At press time, naka-confine pa rin ang front man ng bandang Pupil na si Ely Buendia sa ICU (Intensive Care Unit) ng Philippine Heart Center, ngunit maayos na ang kanyang kalagayan matapos itong sumailalim sa pangalawa at successful na angioplasty procedure.
Inatake sa puso si Ely noong Sabado ng gabi, January 6, habang may show sila ng Pupil sa Laguna. Isinugod siya sa Asian Medical Center, at sa findings ng mga doktor, may bara ang dalawang ugat sa kanyang puso.
Inilipat si Ely sa Heart Center, at ngayon ay masayang ibinalita ng kanyang pamilya na wala ng bara sa puso niya. Nagpapasalamat ang pamilya ni Ely at ang kanyang asawang si Dianne Buendia sa mga nagdasal para sa kaligtasan niya.
Samantala, hindi naiwasang magtampo ni Ely at ang kanyang pamilya sa TV Patrol World, ang primetime newscast ng ABS-CBN, dahil sa report nito na may kinalaman ang prohibited drugs sa heart attack ng lead vocalist ng Pupil.
Napanood ni Ely ang report ni TJ Manotoc sa TV Patrol World habang nasa ospital siya at na-upset ang singer sa content ng report.
Ayaw munang magpainterbyu ni Ely at ng kanyang pamilya tungkol sa tampo nila sa news program.