Nasa mabuting lagay na raw ang ama ni Paolo Ballesteros na nagkaroon ng malubhang sakit noong isang taon. Last February ay lumipad si Paolo patungong New York City para mabisita ang kanyang ama na naka-confine sa isang hospital doon.
Sa press launch ng Dyesebel kagabi, April 21, ikinuwento ni Paolo ang bonding moments nila ng kanyang ama.
"Noong pagdating ko doon, dumiretso kaagad ako sa hospital at kinumusta ko kaagad siya. Doon pa lang, parang sumigla na siya at nagkuwentuhan na kami kaagad. Ilang days pa ay inalis na siya sa ICU [Intensive Care Unit] at nasa regular na kuwarto na siya. Noong maayos na lahat sa kanya at wala na masyadong problema with his breathing and his blood pressure, inuwi na namin siya sa bahay at doon na siya nagpagaling."
Sabi ni Paolo, ang pagpunta niya ng New York para makita ang ama ay isa sa pinakamasayang moments ng buhay niya. Matagal na raw niyang hindi nakikita ang kanyang ama since nahiwalay ito sa kanyang ina. Sa U.S. na raw ito nanirahan with another family, pero may communication naman daw sila parati.
"Before, hanggang sa telepono lang kami nagkakausap ni Daddy. Hindi ko siya nakikita talaga. Pero noong magkasakit nga siya, kailangan ko na siyang makita. Naging daan nga ‘yon para mawala na rin ang mga naging sama ng loob ko sa kanya.
"Noong nandoon ako sa New York, marami kaming pinag-usapan. Nag-catch up kami on so many things. Masasabi ko nga na naging close kami ulit ng daddy ko after such a long time. Masarap ang feeling," ngiti ni Paolo.
Noong kailangan na nga raw umuwi ni Paolo sa Pilipinas dahil magsisimula na siyang mag-taping for Dyesebel, ayaw pa raw siyang pauwiin ng kanyang ama. Umiyak pa nga raw ito noong sinabing babalik na siya sa Pilipinas.
"Noong magpaalam ako, kasi nga kailangan ko nang bumalik dito para magtrabaho, parang ayaw pa akong pauwiin ni Daddy. Parang naiiyak pa siya noong magpaalam ako.
"Sinabi ko naman na may commitment ako dito sa atin at nag-promise naman ako na babalik ako kapag nakaipon na ulit ako. Nandoon naman ang kapatid ko to take care of him. Sinabi ko na lang na magpagaling pa siya para siya naman ang bumisita sa akin dito sa Pilipinas," lahad ni Paolo.
