Desidido ang singer na si Irish Fullerton na ipagpatuloy ang kanyang showbiz career kaya siya nagbalik ng Pilipinas last October. Naghihintay lang siya na may dumating na break sa kanya. Gusto niyang mag-record ng album at makagawa ng pelikula.
Ito ang nalaman ng PEP (Philippie Entertainment Portal) mula kay Irish nang makausap siya sa birthday presscon na ibinigay ng Star Magic sa mga birthday celebrators nila for the month of July, kahapon ng tanghali, July 30, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.
Mas payat siya ngayon, sabi ni Irish. Mas gusto raw niya noong medyo mataba after she joined Pinoy Dream Academy dahil hindi raw siya mukhang suplada. Tumaba raw siya dati kasi masarap daw ang pagkain sa loob ng Academy. At dahil matagal siyang nawala sa Pilipinas, she craved for Pinoy food.
May one year pang natitira si Irish sa kanyang nursing course at may balak naman siyang tapusin ito. Pero gusto rin niyang bigyan ng pagkakataon ang kanyang sarili to be in showbiz.
"I am enjoying naman my work here in showbiz. At saka two semesters na lang naman, matatapos ko na ang course ko. Madali na lang ‘yon," sabi ni Irish.
After her stint sa PDA, bumalik ng Amerika si Irish. Pero matapos lang ang isang buwan, sinabi niya sa kanyang ina na gusto na niyang umuwi, to her second home, the Philippines.
"I want to go back to work. I want to look into my life na kahit na ano ang nangyari, kahit na parang nabigo ako, I am still a fighter. Kaya I came back last October 12," wika ni Irish, na ipinanganak sa Sta. Clara, California, at lumaki sa isang small town called Tracy Valley. Maliit na lugar lang daw ito dati pero ngayon daw ay medyo lumaki na ito.
Kasama ni Irish sa bahay na kanyang tinutuluyan sa Quezon City ang pinsan niyang lalaki na kumukuha ng Medicine. Hindi nga lang daw sila madalas magkita nito dahil sa araw ang pasok nito.
NOT AFTER HER GREEN CARD. Kumusta naman ang kanyang love life? Mahigit isang taon na ang relasyon ni Irish at ni Jay-R Siaboc, isa ring produkto ng PDA Season 1.
"Okay naman po. Masarap ang may minamahal ka, pero very independent- minded naman ako. I think and weigh my decisions before making them," sagot niya.
Seryoso na ba silang dalawa ni Jay-R sa relationship nila? Hindi kaya habol lang niya ang green card niya, biro namin.
"I don't think he's after my green card," pagtatanggol naman ni Irish. "After all, ang tagal niya akong niligawan. If I were to count kung gaano katagal na kami, kasama ang courtship period, then our relationship is already one year and six months long. I am of age na naman and siguro in five years, maiisip ko na rin to settle down. Bilang babae, we dream of finding a husband and getting married."
How is Jay-R as a boyfriend?
"Mabait siya. Maalaga. He treated me well. Talagang matiyaga siya. Niligawan niya talaga ako. At sinagot ko na siya. He started courting me January after we came out of the PDA house so more than one year and six months na kami," kuwento niya.
"Ayoko lang mag-expect and I don't want him to expect either. Maganda ang career niya. Ako naman, pinu-push ko ang career ko so it's not the right time to get into a marriage. Not yet. Basta alam ko nandiyan siya para sa akin at nandito ako para sa kanya."
LEARNING TAGALOG. For someone who was born and raised in the U.S., mahusay magsalita ng Tagalog si Irish. Sa bahay raw kasi nila sa States, Tagalog ang ginagamit nila ng kanyang Mommy sa pakikipag-usap. Nag-i-Ingles lang daw siya pag nariyan ang kanyang ama. 'Pag kinausap daw niya ng English ang kanyang ina, pinagta-Tagalog siya nito.
Busy ngayon si Irish doing the play Ibong Adarna with Joshua Zamora. She's playing the lead as Adarna. Medyo nahihirapan lang daw siya sa mga Tagalog lines because of the needed inflection. Malalim na Tagalog words daw kasi ang ginagamit nila sa play. Ipalalabas ang play sa September 9, 10 and 11 sa Pampanga Convention Center.
"Minsan nawawala ako sa emotion ‘pag binibigkas na ang lines kasi hindi tama ang pagsasabi ko. May mga words na nahihirapan akong i-pronounce, pero nakakayanan ko naman," sabi ni Irish who turned 25 last July 26.
Tinanggap daw niya ang offer to do Ibong Adarna dahil maganda ang role. She gets to sing and act at the same time. Marami raw siyang matututunan hindi lang sa mga Tagalog words. "This is a different kind of experience. I accepted the offer kasi gusto ko talaga itong gawin," wika niya.
Gusto rin ni Irish na makagawa ng pelikula at nagwi-wish din siya na makalabas na kontrabida sa isang TV show.