Masayang-masaya si German "Kuya Germs" Moreno dahil kahit umuulan last
September 10 ay tinuloy pa rin ng mga taga-Malolos, Bulacan, ang pagbigay ng
parangal sa kanya bilang isa sa mga adopted sons of Bulacan.
Ginanap sa hardin ng Malolos Capitol ang pagbigay-parangal kay Kuya Germs at sa iba pang mga celebrities na taga-Bulacan. Kaugnay ito ng kanilang "Singkaban Fiesta: Sining at Kalinangan Ng Bulacan." Milagro nga nang biglang tumigil ang ulan, kaya naging maayos ang pagsalubong nila kay Kuya Germs at sa ibang mga bisita nila.
Sa tulong at suporta ni Governor Jon-Jon Mendoza ng Bulacan, naglagay sila ng Walk Of Fame sa hardin ng Malolos Capitol. Nakalagay dito ang mga pangalan ng mga sikat na Bulakeños at Bulakeñas at ilalagay din nila ang kanilang mga handprints katabi ng kanilang star.
Kabilang sa mga pangalang nakalagay na roon ay sina Jolina Magdangal, Ian Veneracion, Sam Milby, Cheryl Cosim, Alfred Vargas, Kyla, Jay-R, Arnold Clavio, at marami pang iba. Hindi lang mga aktor ang nakalagay sa Walk Of Fame kundi pati mga ibang artists, musicians, at TV and print journalists na tubong-Bulacan.
Bagama't hindi nga tubong-Bulacan si Kuya Germs, pasasalamat ito ng mga taga-Bulacan sa pagtulong at pagmolde nito sa mga Bulakeño't Bulakeña para magkaroon ng pangalan sa showbiz.
"Nagpapasalamat ako sa mga taga-Bulacan dahil sa parangal na binigay nila sa akin. Kung noon ay ako ang nagsimula ng Walk Of Fame sa Eastwood Gardens bilang parangal sa mga artista natin, ngayon ay ako naman ang binigyan nila ng pagkakataon na mapasama sa Walk of Fame nila dito sa Bulacan.
"Hindi nila alam kung gaano ako natutuwa dahil isa itong malaking bagay para sa pagiging artista natin sa mahabang panahon. Yung makita mo lang ang pangalan mo na kasama sa mga kilalang mga artista ngayon, naku, nakakataba ng puso talaga."
Sa pagiging adopted son niya ng Bulacan, nagbigay ng kanyang salita si Kuya Germs na tutulong sa anumang proyekto ng Bulacan sa mga darating na taon. Ito raw ang kanyang pagbibigay-ganti sa pagtanggap sa kanya ng mga taga-Bulacan.
