Tuluy-tuloy ang pagkukuwento ni Rose Flaminiano tungkol kay Gabby Concepcion, na recently ay nagpadala ng sulat kung saan nakasaad na gusto na niyang i-terminate ang kontrata nito sa producer ng FLT Films.
Dagdag pa rito, sinabi raw ng aktor sa isang interview na hindi raw niya lubusang kilala si Rose Flaminiano noong nagkita sila sa States. Ano naman ang masasabi ng talent manager tungkol dito?
"Well, nung sinabi niyang ganun, well, talaga itong si Gabby..." sabay buntunghininga ni Mommy Rose. "Kung hindi niya ako kilala, bakit siya sumama sa akin, di ba? Hindi kasi, bago kami umalis, meron akong kontrata galing ng ABS-CBN na una, exclusive siya sa telebsiyon at exclusive din siya, three-picture contract in two years, at saka meron siyang... Alam naming lahat, ako at saka ng Star Cinema, na meron siyang pinirmahan sa GMA Films. Totoo yun.
"Ngayon, sige na, doon na lang tayo sa mababaw na hindi niya ako kilala. Bakit siya sumasama sa hindi niya kilalang tao, di ba? Pumirma pa siya sa akin? E, kunyari mo, ako hindi niya ako kilala, pumunta at isinama ko siya, ‘O, halika na. Punta na tayo, punta na tayo sa eroplano. ‘Eto na ang iyong tiket. Tabi na tayo at pupunta tayo ng Pilipinas.'
"E, bakit hindi niya ako kilala? E, kung sinet-up ko siya sa mga kaso niya na pagdating niya rito, posas dito, posas doon ang ginawa sa kanya? Paano niya sasabihin na hindi niya kilala?
"Kilala niya ako na mabuting tao kaya siya sumama at talagang naniniwala siya doon sa talagang inayos ko, bago siya pumunta, yung lahat ng warrant of arrest niya. Kaya paano sasabihin niya na hindi niya ako kilala?"
Nagsisisi ba si Mommy Rose, ang tawag ng karamihan sa talent manager, sa ginawa niyang pagbabalik kay Gabby dito sa Pilipinas?
"Sa ngayon, sa nangyayari sa amin, nagsisisi ako," sagot ni Mommy Rose. "Malaki ang pagsisisi ko. Akala ko ang isang kinuha ko ay angelic face. Yun pala, nakakahiyang sabihin, Satan."
Pagkatapos ay iuurong na lang ba nang ganun ni Mommy Rose ang kasong isinampa niya kay Gabby?
"Sa akin, alam mo ba nung nagkita kami, nung Martes ko ipinayl? Nagkita kami ng Lunes [September 15] ng gabi, hiyang-hiya nga ako ako kasi alam mo kung sino ang namagitan? Sina Tita Celia Rodriguez at Tita Daisy Romualdez. Hiyang-hiya ako sa kanila. Alam ko na nagtatampo sila sa akin.
"Sana Tita Dei [Daisy], Tita Celia, naipit po ako. Siyempre, nasa legal na po, e. Ang sinasabi ng abugado ko, bakit ang nakikipag-ayos hindi po yung abugadong sumulat sa akin? Bakit si Fortun ang sumulat, pero ang nakikipag-ayos isang Atty. Dexter Lacuanan? 'Tapos meron pa siyang sinasabi, hindi pa niya nakakausap si Gabby.
"Siyempre, kailangan nang i-file. Nag-usap na kami nung aking abugado dahil ang inisiip lang niya, baka meron silang gimik. Baka meron silang ibang step na gagawin. Kaya I'm sorry, Tita Celia, Tita Daisy, hindi na ako nakapaghintay. Ang katuwiran ko nga naman, bago ka [Gabby] sana umupo, nagsalita sa The Buzz, dapat napigilan ka. Ngayong ako naman, pinipigilan ninyo? Paano naman, saan ninyo naman ako ilalagay?" pahayag ng FLT Films producer.
Ayaw ba niyang pakawalan si Gabby?
"Actually, di ba, kaya naman ako nag-file ng [kaso] sa kanya, kung inisip niya, natural nag-invest ako sa kanya, nag-invest din ako sa kanya ng pagmamahal ng isang ina. Sinundo ko siya sa Amerika, lahat ng effort ginawa ko para maging isang Gabby Concepcion siya.
"Hindi ko masabing i-let go siya nang ganun kadali. Kasi nagmalasakit din naman ako sa kanya. Minahal ko siya na parang sariling anak. Nag-invest ako sa kanya ng emotional feelings kaya talagang masakit."
Totoo ba na tinawagan niya ang dating manager ni Gabby na si Lolit Solis para kumuha ng suporta?
"Hindi. Okey... Yung kay Nanay Lolit, ang totoo nun, tinawagan ko siya. Okey naman, nag-usap kami. ‘Nanay Lolit, nababasa mo ba yung nangyayari sa amin ni Gabby?' ‘Ah, oo.' ‘O, bakit nabanggit mo wala ka namang problema kay Gabby? Paano ka magkakaproblema, Nanay Lolit, e, nanalo nga sa 'yo si Gabby? Meron kang dapat bayaran sa kanya na P700,000, ‘no?'
"E, that time naman siguro, hindi kagaya ng singlawak ngayon, sa dami ng booking ngayon, ganun. Kaya nasasabi niya yung ganun. At hindi rin kita masisisi dahil alam ko na meron dapat kolektahin sa kanya si Gabby. At kaya hindi ‘yan nakokolekta dahil na rin sa akin.
"Sinasabi ko kay Gabby noon, nung kaming dalawa ang magkasama, ‘Pabayaan mo na yung kay Nanay Lolit kasi nagmalasakit din siya sa 'yo. In fairness kay Nanay Lolit, Gabby, wala siyang sinasabi sa ‘yo. Alam mo, Gabby...' Kasi minsan sinasabi niya maraming beses, sinasabi niya na, ‘Natu-trauma ako kasi ayoko nang mangyari yung nangyari sa amin ni Lolit. Traumang-trauma ako,' sabi niya. ‘Ah, ganun ba yun? Bakit mo naman ipagkukumpara si Nanay Lolit sa akin? Siguro malaki naman ang diperensiya naming dalawa?'
"E, ngayon, hanggang ngayon, sinasabi sa akin. Sabi ko sa kanya, ‘Hayaan mo na yun, Gabby. Matagal na ‘yan. Yung kinukolekta mo kay Nanay Lolit, hayaan mo na yun. Tutal naman ano, blessed ka naman. Marami ka namang show. Kikitain mo ‘yan. Balato mo na lang kay Nanay Lolit. Tutal parang nararamdaman ko kay Nanay Lolit, gusto na niyang magpahinga. Nag-mellow na rin siya.'"
Nalungkot ba si Mommy Rose nang hindi siya nakakuha ng suporta kay Lolit laban kay Gabby?
"I don't care," sagot niya. "Basta ang sinabi niya sa amin, ‘Sige, imbitahin mo ako, Mommy Rose. Sasabihin ko rin na yung aking L300, hindi pa rin niya nababayaran hanggang ngayon.' Sabi ko, ‘So meron pa rin kayong usapan sa pera?' Naku, Nanay Lolit!"
Hanggang ngayon ba ay naiiyak pa rin siya sa gabi?
"Alam mo, nabuhos ko na lahat ng luha ko. Nung dumating ako, drain na drain ako. Talagang masakit! Talagang hanggang pinipilit ko na huwag na lang akong lumuha kasi nandiyan na, e Kailangang admitin ko na ang katotohanan na kung saan kami mapunta, tanggapin ko na. Tanggap na tanggap ko na kahit hindi na siya bumalik sa akin. Aayusin na lang ang kontrata namin."
Nami-miss ba niya si Gabby na dati ay halos araw-araw niyang sinasamahan?
"Hindi na po. Siyempre, ‘pag naaalala ko ang ginawa niya sa akin ngayon, paano ko pa siya mami-miss?" pagtatapos ni Mommy Rose.GABBY'S SILENCE. Samantala, tahimik pa rin ang kampo ni Gabby simula noong nai-file ang kaso laban sa 43-year old actor. Nagkaroon ang PEP ng pagkakataong makausap siya kahapon (click to read article ), September 18, at sinabi nitong magbibigay siya ng pahayag kapag meron nang go-signal ang kanyang lawyer.
Pero isang source ang nagsabing ikinagulat daw ni Gabby ang pagsampa ng kaso laban sa kanya. Maging sina Celia Rodriguez at Daisy Romualdez ay naguluhan din daw sa desisyon ni Rose.
