PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

PEP EXCLUSIVE: Cristy Fermin talks about ABS-CBN's decision to suspend her contracts

Cristy hurt by Nadia Montenegro's statements.
Published Oct 18, 2008
"Labing tatlong taon ko silang ipinaglaban dahil naniniwala akong Kapamilya ko nga sila," diin ni Cristy. "Parang lagi akong bala na na nakaumang sa aming kalaban at sa tuwing may dapat sanggain, ako ang isinisugod nila. Ayaw kong isiping nasayang ang lahat ng yun, pero balewala lang talaga. Parang yung tagal ng panahong naging loyal ako sa kanila, ngayon dapat sila ang nasa panig ko, saka naman nila ako itinulak palabas," says Cristy Fermin

Kahit na nakikipaghalakhakan sa mga nakakasalubong niyang mga manunulat, hindi maikubli ni Cristy Fermin ang sama ng loob niya sa pagpataw ng suspensiyon sa kanyang kontrata sa ABS-CBN kaugnay ng matinding kontrobersiya nilang kinasuungan ni Nadia Montenegro. Kaya hangga't maaari ay ayaw na sanang magbigay ng pahayag ni Cristy at hayaan na lang daw siyang ihayag ang kanyang saloobin sa mga kolum niya sa mga tabloid.

Sa kabila nito, nakapagbigay rin naman ng mga saloobin niya si Cristy sa PEP (Philippine Entertainment Portal) para magkaroon ng linaw ang kanyang panig sa kabuuan ng kontrobersiyang naganap. Nakausap ng PEP si Cristy kagabi, October 17.

"Nasaktan talaga ako," pag-amin ni Cristy. "Hindi ko nakayanan ang sakit na dulot ng paglait ni Nadia sa aking pagkatao sa mismong talk show na kinaaniban ko. Hindi ko talaga puwedeng basta na lang palampasin ang ganoong pag-aglahi sa akin. Sobra talaga, parang ginawa na niya akong patay para sabihan niya akong walang budhi."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang tinutukoy ni Cristy ay ang naging pahayag ni Nadia laban sa kanya sa The Buzz noong September 28. Nasa Canada raw siya, kaugnay ng isang special show ng Wowowee, nang makarating sa kanya ang balita. Halos lahat daw kasi ng mga taong nakakasalubong niya ay sinasabihan siyang napanood nila yung naturang episode ng The Buzz, pero hindi siya makasagot dahil hindi niya mismo napanood ang sinasabing interview ni Nadia.

"Mabuti na lang, nakagawa kami ng paraan na mabalikan sa TFC [The Filipino Channel] yung episode kaya napanood ko nga," sabi ni Cristy. "Alam mo, ang lamig sa Winnepeg this time of the year, pero nagawa kong hubarin ang suot kong jacket dahil sobrang init ang naramdaman ko na parang sinakluban ako ng apoy sa mga narinig kong sinabi niya [Nadia] sa akin.

"Para sabihan akong ‘walang budhi, walang konsensiya,' parang pinatay na niya ako. Ang taong walang budhi ay yung pumapatay ng kanyang kapwa-tao nang walang dahilan. Alam ko sa sarili ko na hindi ako masamang tao kaya hindi ko matanggap yun, at para paratangan niya akong ‘bayaran' na kaya ko siya siniraan ay dahil wala na siyang maiabot sa akin, hindi tama yun, hindi talaga totoo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Kaya nga hinamon ko si Nadia na pagbalikan namin ang panahon mula nang mag-umpisa siya sa showbiz sa Going Steady, at alalahanin niya kung may naibigay siya kahit isang kusing sa akin. Wala talaga, kaya masakit yung ganoon paratang. Sa galit ko, hindi ko napigilang magmura, hindi ko talaga kayang tanggapin yung mga pinagsasabi niya laban sa akin."

Pagbalik nga raw niya sa Pilipinas, nabigyan naman siya ng pagkakataon sa kanilang talk show na The Buzz noong October 5 na sagutin ang mga akusasyon sa kanya ni Nadia. Na para kay Cristy, mismong The Buzz staff, na sa ngalan ng balanced reporting, ay hinayaan nga siyang ipagtanggol ang kanyang panig.

"Katuwiran ko, tao rin naman ako, may mga anak din akong nasaktan at nagdamdam dahil tinawag akong ‘walang budhi.' Gaya ni Nadia, nanay din ako at ipinalaki ko rin nang marangal at may pinag-aralan ang mga anak ko. Kaya alang-alang sa kanila, kailangan ko rin namang ipagtanggol ang sarili ko," paliwanag niya.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

THE SUSPENSION. Pero hindi nga maganda ang naging bunga ng pagsangga at pagtatanggol sa kanyang integridad na sa tingin niya ay sobrang sinira ni Nadia. Na mismong ang Kapamilya niya ang nagbigay-hatol na mali ang kanyang ginawa at labag sa kanyang katungkulan bilang isang media practitioner na may integridad.

Alam ng lahat ang anila'y naging dahilan ng pagsuspinde sa kanya dahil inilabas na officially ng ABS-CBN, sa pamamagitan ng Corporate Communications Head na si Mr. Bong Osorio, at ganito ang isinasaad nito:

"Ang kontrata ni Ms. Cristy Fermin bilang host ng The Buzz sa ABS-CBN Channel 2 at anchorperson ng Showbiz Mismo sa DZMM ay sinuspende hanggang December 31, 2008.

"Ang suspensyon ng talent contracts ni Ms. Fermin sa ABS-CBN Broadcasting Corporation ay may kaugnayan sa mga naging pahayag niya sa episode ng The Buzz noong October 5, 2008. Ang aksyong ito ni Ms. Fermin ay lumabag sa ilang probisyon ng kanyang kontrata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Sa pananaw ng kompanya, nadamay ang mga batang walang kinalaman sa kontrobersya sa kanyang pahayag.

"Nalabag din ng aksiyon ni Ms. Fermin ang mataas na batayan ng propesyonalismo at integridad sa pamamahayag. Ito ay nagdulot ng kapinsalaan hindi lamang sa kanyang pangalan at kredibilidad, kundi sa programang The Buzz at sa ABS-CBN."

Nakapirma sa suspension order ni Cristy sina Ms. Cory Vidanes at Mr. Peter Musngi, ABS-CBN Vice President for Manila Radio Division.

Pero bago pa man nailabas ang official suspension ay binigyan pa raw si Cristy ng memo ni Ms. Vidanes at hiningan ng paliwanag.

Kuwento ni Cristy, "Pagkatapos ko sa radio, nagpunta ako sa opisina niya, nag-usap kami together with Louie Andrada [executive ng The Buzz], sinabi ko sa kanila ang panig ko. Pero alam kong may gagawin na silang action. Alam ko na sa suspension na nga mauuwi ang lahat. Kaya inihanda ko na ang sarili ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

THE FIRST TIME. Naalala rin daw ni Cristy na hindi naman ito ang unang pambabastos sa kanya ng The Buzz. Ang una ay yung naging kontrobersiya noon kay Annabelle Rama.

"Sinulatan ko sila, sabi ko, ayaw ko nang maulit yun. Masakit talaga yun, para akong lumalakad nang walang ulo pagkatapos nun. Nang mga sandaling nasa national TV si Annabelle Rama at nilalait niya ako, dalawang dipa lang ang layo niya sa akin. Sa akin siya diretsong nakatingin at kung anu-ano ang panlalait niya. Nung mga oras na yun, gusto ko nang lumubog sa kinatatapakan ko at dun na lang ako malibing. Masakit talaga yung nangyaring yun, pero nagawa ko ring palampasin.

"Pero itong pangalawa, hindi ko talaga kinaya, ayaw ko nang maramdaman yung wala akong karangalang naglalakad at nililibak ng mga tao," dagdag niya.

Tanggap na raw ni Cristy ang kanyang suspensiyon. Nasabi na rin daw niya ang mga dapat niyang ipahayag. Sa pamamagitan ng kanyang mga kolum, naiparamdam na raw niya ang nararamdaman niya. Nakarating na sa kinauukulan ang mga hinaing niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

And to quote the last part of her column sa Bulgar (October 18), a copy of which was provided to us by Ms. Fermin:

"Hindi magkatugon ang aming pananaw, naninindigan pa rin kami sa aming karapatan at pananaw, pero tanggap pa rin namin an paliwanag nila.

"Sa kung saanman at anumang dahilan man kami lumabis at kinulang, ang taos-puso naming paghihingi ng paumanhin, maraming salamat sa ABS-CBN.

"Tuloy ang buhay, patuloy pa rin ang ikot ng mundo, maliit lang ang kahon ng showbiz na aming ginagalawan.

"Kapag ang mga emosyon ay humupa na, kapag ang mga tanong ay nasagot na, tatawanan na lang naming ang lahat ang mga senaryong ito."

Sariwa pa ang sugat ngayon, ‘ika nga. Ramdam pa ni Cristy ang aniya ay "pagyurak" ng kanyang karangalan at "pag-apak" sa kanyang pagkatao. Ayon sa kanya, ang ginawang suspensiyon sa kanya ng ABS-CBN ay tahasang pagsabing ayaw na sa kanya ng network. Isinakto nga kasi ang kanyang suspensyon sa huling araw ng kanyang kontrata sa December 31, 2008; na parang sinabihan na siyang ayaw na ng network sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Labing tatlong taon ko silang ipinaglaban dahil naniniwala akong Kapamilya ko nga sila," diin ni Cristy. "Parang lagi akong bala na na nakaumang sa aming kalaban at sa tuwing may dapat sanggain, ako ang isinusugod nila. Ayaw kong isiping nasayang ang lahat ng yun, pero balewala lang talaga. Parang yung tagal ng panahong naging loyal ako sa kanila, ngayon dapat sila ang nasa panig ko, saka naman nila ako itinulak palabas.

"Kung kayo ang nasa katayuan ko, ano ang mararamdaman ninyo? Kung ganyan ang isinasaad ng suspensiyon nila sa akin, dapat pa ba akong magbalik pagdating ng panahon?" balik-tanong ni Cristy sa kung anong mangyayari sakaling magdesisyon ang network na i-renew ang kontrata niya sa susunod na taon.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Labing tatlong taon ko silang ipinaglaban dahil naniniwala akong Kapamilya ko nga sila," diin ni Cristy. "Parang lagi akong bala na na nakaumang sa aming kalaban at sa tuwing may dapat sanggain, ako ang isinisugod nila. Ayaw kong isiping nasayang ang lahat ng yun, pero balewala lang talaga. Parang yung tagal ng panahong naging loyal ako sa kanila, ngayon dapat sila ang nasa panig ko, saka naman nila ako itinulak palabas," says Cristy Fermin
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results