Six months na ang ipinagbubuntis ni Vina Morales at balak na nitong magpahinga para maihanda na niya ang kanyang sarili sa kanyang panganganak in three months time.
Dumalo si Vina sa reunion ng That's Entertainment stars sa programa ni German Moreno na Walang Tulugan with the Master Showman noong Sabado, January 10, sa Studio 5 ng GMA Network Center. Ang daming nagsabi na glowing si Vina at mukhang hiyang na hiyang sa pagbubuntis niya.
"Motherhood has been very good to me," sabi ni Vina sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "At first, may takot ako at baka hindi ko makayanan ito. Kasi marami akong naririnig na kuwento from my friends na mga nabuntis na rin na nahirapan sila.
"Pero fortunately for me, wala akong nararanasan na hindi maganda. Except for the first two and three months that I had morning sickness at naglilihi ako. Pero mabilis naman nawala at naging okey na ang pakiramdam ko.
"Nakapag-concert tour pa nga ako sa U.S. kelan lang at nakakapag-guest pa ako sa mga shows. Itong baby ko, nakikisama siya, e. Kapag sinasabi ko sa kanya na, ‘Baby, may trabaho si Mommy, kapit ka lang,' nagiging magaan ang trabaho for me. I don't experience any pain talaga.
"Pero I think after this month, I will take things slow na and wait for the coming of my baby. Sobra naman ako kung magpuyat pa ako sa trabaho! Kawawa naman ang baby girl ko."
Baby girl nga ang isisilang ni Vina at may napili na raw silang pangalan ng baby nila ng businessman na si Cedric Lee.
"Napili naming name ay Ceana," sabi ni Vina. "It's a combination of our names na Cedric and Vina. Nakakatuwa pa because the name Ceana means 'God is gracious.' Kaya magandang blessing ito for us. Lalo na sa akin because maraming nangyaring maganda sa akin noong 2008 and one of them is to have this baby.
"Marami nga ang nagsasabi na it came at the right time. Tama nga naman sila because I'm already in my 30s and it's about time that I think of my future family. Heto at dumating nga ang baby na ito at planado naman ito. Hindi ito basta na lang nangyari. Ito ang angel sa buhay ng pamilya ko ngayon at excited na kaming makita siya," lahad ni Vina.
THE FATHER OF VINA'S CHILD. Tungkol naman sa ama ng kanyang baby, very supportive daw si Cedric sa kanya at sa baby nila. Noong nakaraang Pasko at Bagong Taon nga raw ay magkasama silang nag-celebrate, kasama ang pamilya ni Vina.
"All is well sa aming dalawa ni Cedric," aniya. "He's always there when I need him naman. Nagkahiwalay lang kami noong mag-concert tour ako but we always keep in touch. He always tells me to take things easy kasi nasa sixth month na ako. Sinabi ko naman na magbabawas na ako ng trabaho and by next month, stop na ako sa work to take care of myself na."
Wala na raw problema si Vina sa mga gamit ng kanyang baby dahil noong mag-concert tour siya sa Amerika, ang daming mga Pinoy na nagbigay sa kanya ng mga regalo para sa kanyang magiging baby.
"Parang nag-baby shower na nga ako sa U.S. at halos kumpleto na ang mga gamit ni Ceana," ngiti ni Vina. "Nakakatuwa ang mga regalo ng mga Pinoy sa U.S., lahat para sa baby ko. Kaya wala na akong problema sa mga gamit. Magkakaroon din ako ng baby shower next month at madadagdagan pa ulit ang mga gamit ni baby."
Overall ay masayang buntis si Vina kaya naman kahit na magpahinga muna siya sa showbiz ay worth it dahil isang pinakahihintay na baby ang kapalit ng lahat.
"I've been in the business since I was like eight years old. Ang dami ko na ring napagdaanan na mga masaya at masakit sa trabahong ito. But I am still here and what makes it all worth it ay ang baby na isisilang ko. Itong baby na ito ang source of joy ko ngayon and all those years of working pala ay para ma-prepare ko ang sarili ko sa pagdating niya. I'm overjoyed now because I will be a mother soon, and I promise to be a good mother to Ceana," pagtatapos ni Vina.
