Isa si Raymart Santiago sa seasoned actors na hindi pinababayaan ng GMA-7. Pagkatapos niyang mapanood sa Darna na pinagbidahan ni Marian Rivera, kasama naman ngayon si Raymart sa upcoming primetime series na Pilyang Kerubin. Tampok dito ang tambalan nina Barbie Forteza at Joshua Dionisio, kasama ang young rapper na si Elmo Magalona.
Isang tatay at mabait na tao ang papel ni Raymart sa Pilyang Kerubin, na magsisimula nang umere sa June 7.
"Amang namatayan," bungad na pagsasalarawan ni Raymart sa kanyang role. "Namatay yung anak ko. E, yung pilyang kerubin, siya yung nanggaling sa heaven na pumasok sa katawan ni Barbie. Si Barbie, hindi ko anak. Anak-anakan ko. Anak siya no'ng pinsan ko.
"Si Angelika [dela Cruz, who plays his girlfriend], halos sabay silang magbuntis [ng pinsan ko]. Nasagasaan si Angelika. Pero hindi doon namatay. Wala akong pera, nagkahiwalay kami. Nilapitan ko ang ex-boyfriend niya na si Paolo Contis na siyang tumulong sa mag-ina ko. Pero may deal siya sa mag-ina ko na hindi ko na sila makikita habang buhay. Wala akong choice kundi gawin yun.
"Eventually, namatay din yung anak ko, pero hindi dahil sa aksidente kundi nasunog. Yung espiritu no'ng batang yun na nanggulo sa heaven, siya yung pinababa ni Janno [Gibbs]... Sabi sa akin ng pinsan ko na namatay na ikaw na bahala sa anak ko. Itinuloy ko yung pag-aalaga hanggang sa magkasakit naman yung bata. So, no'ng namatay siya, pumasok naman yung espiritu kay Barbie."
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Raymart sa presscon ng Pilyang Kerubin sa Studio 5 ng GMA Network Center kagabi, May 31.
Bagamat nakilala si Raymart sa action movies nong nagsisimula siya at nag-comedy sa isang sitcom, nalilinya siya ngayon sa drama roles.
"Nae-enjoy ko naman. Medyo may heavy drama naman dito at napasabak ako dito," nakangiti niyang pahayag.
May kontrata raw si Raymart sa GMA-7 at natutuwa naman siya sa magandang pag-aalaga sa kanya ng network. Itinanggi niyang nagtangka ang TV5 na kunin ang kanyang serbisyo.
"Wala naman, e. Saka hindi pa naman pumapasok sa isipan ko yung mga gano'ng bagay," sabi niya.
CLAUDINE IS STILL IN MANILA. Ibinalita ni Raymart sa PEP na nandito pa sa Pilipinas ang asawa niyang si Claudine Baretto. Nabalita kasing umalis na ang misis niya patungong U.S. para sa shooting ng pelikulang pinagsasamahan nila nina Anne Curtis at Richard Gutierrez sa Viva Films.
"Nandito pa. Hindi pa nila naayos ang permit. Akala rin namin aalis na siya. Actually, noong Wednesday dapat, pero hindi natuloy. Nagte-taping nga siya para sa Claudine," banggit ni Raymart.
Hindi pa matiyak ni Raymart ang eksaktong date ng paglipad ni Claudine papuntang U.S.
"Hinihintay pa yung [permit]...pero parang palabas naman na 'ata," sabi niya.
Inamin ni Raymart na nagkaroon ng pagbabago sa inayos nang schedule ni Claudine sa pagtatrabaho nang hindi siya natuloy sa U.S.
"Oo, naurong lahat. Medyo naurong lahat. So, nagte-taping siya ngayon. Medyo nag-a-advance sila ng taping kasi aalis nga siya. E, na-move yun. So, pagbalik niya, kakapusin yung pondo niya sa Claudine kaya ngayon nagte-tape sila. Halos pareho lang naman. Nagdagdag lang siya ng taping niya," saad ni Raymart.
Walang nakikitang problema si Raymart sa posibilidad na maiiwan sa kanya ang pag-aalaga sa dalawang anak nila na sina Sabina at Santino kapag natuloy si Claudine sa U.S.
"May driver naman yung mga bata. So, pag nasa trabaho ako, ipapatawag ko lang sila para puntahan ako. Madali lang naman yun," ani Raymart.
RATING OF CLAUDINE'S SHOW. Napag-usapan din namin ni Raymart ang tungkol sa hindi pag-angat ng ratings ng drama anthology na Claudine sa kalaban nitong show sa ABS-CBN. May pahayag ang aktor tungkol dito.
"Alam mo sa akin, personal, e. Basta ibigay mo yung lahat at sa tingin mo maganda ang ginagawa mo, ituloy mo. Magpi-pick up din naman 'yan. Bagu-bago pa lang naman. Darating din tayo diyan," sabi niya.
Nababanggit pero hindi naman daw naging sentro ng usapan nila ni Claudine ang isyu sa ratings ng drama show ng kanyang misis, ayon kay Raymart.
"Minsanan lang pero hindi naman talaga... Sa akin, hindi ko rin naman tinitingnan yun. Ang tinitingnan ko yung performance niya. At yung mga napapanood ko, yun ang sinasabi ko na maganda, mga gano'n."
Nasabi na ni Claudine sa press conference ng Claudine na hindi siya ang tipo ng taong nag-e-entertain ng negative thoughts para hindi siya maapektuhan. Naniniwala naman si Raymart na hindi apektado sa isyu sa ratings ng show nito ang asawa.
"Hindi. Hindi naman. Kung didibdibin mo, e, yun nga, gaya ng sinabi ko kanina, na maganda naman yung ipinapakita niya sa mga ginagawa niya, nade-deliver niya. Masaya na siya sa gano'n," nakangiti niyang sabi tungkol sa damdamin ng asawa tungkol sa rating ng show nito.
CLAUDINE & GRETCHEN. Nagkaroon ng isyu kina Claudine at sa kapatid nitong si Gretchen Baretto dahil sa pagtatapat noon ng pilot episode ng show ni Claudine at ng episode ng Maalaala Mo Kaya na pinagbidahan ni Gretchen. Pero gaya ng unang isyu sa dalawa, nanatiling tahimik si Raymart tungkol dito.
Paliwanag niya, "Alam mo, yung mga gano'n, ayaw kong pag-usapan. Ayokong nakikigulo sa mga gano'ng mga bagay-bagay. Yun na lang yun, sa kanila na lang yun. Ibig sabihin, hindi ko na ikukuwento. Like, di ba, parang private na ano yun? Hayaan mo na lang na gano'n na lang. Kasi kung magsasalita-salita pa, baka kung ano pang masabi."
Pero aminado si Raymart na nasasaktan din siya para sa asawa.
"Siyempre, kahit sino naman, ke kaibigan o ano, basta may kaaway o may samaan ng loob, kahit paano masama rin ang loob mo. Kagaya ko, parang ayoko ng may kaaway din naman ako. Parang...mabigat yun. Mas magandang wala kang kalaban, wala kang kaaway, di ba? Mas nakakatulog ka sa gabi," pahayag niya.