Nandito ulit sa Pilipinas ang dating aktres na si Klaudia Koronel.
Matatandaang umalis siya last October 18, 2009 upang makapiling ang mister niyang si Andy Zhang na sa U.S. naka-base. Ikinasal ang dalawa dito sa Pilipinas last August 28, 2009 sa Iglesia Ni Cristo Central Temple sa Quezon City.
Last March 25 ng taong kasalukuyan, umuwi muli si Klaudia sa Pilipinas. At dito na nagsimula ang intrigang hiwalay na sila ni Andy. Kaya minabuti ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na padalhan ng e-mail si Klaudia upang tanungin tungkol sa pagdududa ng ilan sa kanyang kalagayan ngayon. Mabilis namang sumagot si Klaudia sa aming mga katanungan.
Narito ang kabuuan ng aming pakikipag-usap kay Klaudia sa pamamagitan ng e-mail:
Bakit ka bumalik ng Pilipinas?
"May mga property na binili ang asawa ko dito na dapat kong asikasuhin. Pati na rin ang mga property na naipundar ko. Kasi hindi siya puwedeng umuwi dahil na rin sa work niya sa U.S. May mga tenant pa ako dito na dapat kong kumustahin. Bago pa ako nag-asawa, may mga obligasyon akong naiwan dito sa Pilipinas.
"Pangalawa, hindi pa ako puwedeng mag-stay doon dahil hindi pa tapos ang papers ko. At gusto ko din kasi na nakikita ang family ko. Iyon ang usapan namin noong bago pa lang kami magpakasal."
Hanggang kailan ka dito sa Pilipinas?
"Hanggang matapos ko na ang mga dapat kong asikasuhin. Kailangan ko ding bumalik dahil may itinayong business ang asawa ko na para sa akin. Dahil noong nasa U.S. ako, napansin ko sa sarili ko at ng asawa ko na rin na hindi ko kaya nang walang ginagawa o work, dahil boring sa U.S. pag wala kang ginagawa. So, sabi niya, 'Kesa mamasukan ka, magtayo ka ng sarili mong business.' Care home ang magiging business ko dahil iyon ang malakas doon, dahil tayong mga Pinoy, pinagkakatiwalan ng mga Amerikano na mag-alaga ng family nila."
Napapabalitang naghiwalay na kayo ni Andy. Totoo ba?
"Malabong mangyari kasi mahal namin ang isa't isa. Miyembro kami ng Iglesia Ni Cristo, hindi kami naniniwala sa divorce o annulment. Pero nasa stage kami ng adjustment, mahirap magsimula at nakakapanibago ang buhay may-asawa. Pero kung alam naman ng bawat isa ang tungkulin nila, magiging matiwasay ang pagsasama. Ang lalaki ang haligi ng tahanan na dapat nirerespeto, kaya kung may nais ang asawa ko, sinusunod at sinusuportahan ko. Ganun din siya. At bilang ilaw ng tahanan, dapat inaasikaso ko ang asawa ko. Lahat ng pangangailangan niya ibinibigay ko.
"Alam kong hindi ganun kadali kasi magkaiba ang aming kultura. Minsan magkaiba ang opinyon namin sa buhay. Maraming di napagkakasunduan sa umpisa. Pero IT Consultant ang asawa ko, matalino siya, kaya kung ano ang profession niya, hindi malayong magamit din niya na solusyunan ang problema namin. Compromise lang sa isa't isa. Sa sandaling pagsasama namin, nakilala na namin ang isa't isa. Kung mainit ang ulo ng isa, dapat huwag nang patulan, manahimik na lang.
"Five years na ang relasyon namin, at ang natutunan ko, pinakamahalaga talaga na may takot sa Diyos at mahal ninyo ang isa't isa. Kasi kahit mag-away kami ng asawa ko, we end up na hinahanap namin ang bawat isa. Gagawa ang asawa ko ng paraan para magkaayos kami muli. Minsan pag ako ang nagtatampo, dinadaan niya ako sa pagkain. Ipinagluluto niya ako. Ganun lang ako kababaw, kaya makikipagbati na ako kasi malambing ang asawa ko. Pero pag siya ang nagtatampo, hindi niya kinakain ang niluluto ko. Ha! Ha! Ha! So, talagang hahayaan ko lang siya kung kailan lalamig ang ulo niya. Dahil nga love niya ako, kusa naman na niya akong babatiin.
"Maraming way ang asawa ko na makuha ang pansin ko. Dinadaan niya kung ano'ng hilig ko. Tulad ng manood ng Oprah show. Tatawagin ako niyan para manood, so wala na akong magawa, tatabi na ako sa kanya. Marami kaming differences, at dapat bigyan din ng privacy ang asawa natin at hayaan sa mga hilig nila.
"Diyos ko, malalim ang mga hilig niyang topic! Kaya bilang asawa kahit hindi ko maintindihan, nandiyan ako [sa tabi niya], nakikinig. Pinaka-the best pa rin ang kasabihang 'the best way to a man's heart is through his stomach.' Mahilig akong magluto at mas ginalingan ko pa nang mag-asawa na kami. Kaya pag nawawala ako sa tabi niya, parang bata 'yan na naglalambing, na-miss na niya daw ang luto ko. The best talaga na maasikaso ka bilang maybahay."
At habang naririto sa Pilipinas si Klaudia, muli siyang nag-aral.
"Nag-aaral po ako ng management, bookkeeping at kaunting accounting. Kasi kailangan ko sa business na sisimulan ko. Mga training lang po at short courses. Kasi hindi naman ako puwedeng magtagal dito."
Bakit ka nag-aaral?
"Dahil po sa care home business na itatayo ko."
Nasaan si Andy ngayon?
"Nasa Amerika po. Patuloy na nagtatrabaho. Very responsible ang asawa ko. Lagi niyang pinaghahandaan ang future ko sa kanya o sa aming dalawa. Wala naman akong dapat alalahanin dun kasi napaka-homebody ng asawa ko. Wala pong bisyo iyon at hindi naglalalabas para gumimik. Hindi siya tulad ng ibang lalake na madaling-araw na umuwi. Kaya mapalad po ako sa asawa."
Kailan kayo huling nag-usap?
"Araw-araw po bago matulog at tuwing gigising ako. Communication ang isa sa mahalaga para mapaunlad pa ang pagsasama ng mag-asawa. Kahit nandito ako sa Pilipinas, sinisikap kong iparamdam na nandito lang ako lagi pag kailangan niya.
"Tulad din pag nasa U.S. ako na kasama ko siya. Pinapaalala ang vitamins niya, o support lagi sa tuwing may problem siya sa work, nakikinig sa mga hinaing niya. Iyon po dapat ang ginagawa ng mga maybahay, ang laging nakikinig at sumusuporta."