Kahit hawak-hawak na ni Frencheska Farr ang kanyang tropeyo, tila hindi pa rin nagsi-sink in sa kanya na siya ang napili ng Gullermo Mendoza Scholarship Foundation, Inc bilang Most Promising Female Singer this year. Kitang-kita ang kaligayahan kay Frencheska habang kinakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa Box-Office Entertainment Awards last week.
"Nanginginig ako! Hindi ako makapaniwala!" bulalas ng 17-year-old singer. "Nagpapasalamat po ako sa lahat ng taong tumulong sa akin. Hindi ko po akalain na nanalo po ako at mabibigyan po ako ng ganitong kalaking karangalan na ganito po kaaga agad.
"Ang dami pong nangyayari sa akin ngayon. Ang dami pong blessings kaagad ang biglang dumarating. Hindi ko po hiniling na magkaroon ng ganito dahil pakiramdam ko po, sobrang blessed na po ako at grabe na po ang ibinubuhos na blessing sa akin ni Lord.
"Nakaka-overwhelm po talaga at sobrang masaya. Sobrang masaya po ako na halos nakakaiyak na po para sa pamilya ko, na biglaan po lahat ng nangyayari," tuluy-tuloy na sabi ni Frencheska.
Posibleng simula lang ito ng mga pagkilala na puwedeng matanggap ni Frencheska sa kanyang halos kasisimula pa lamang na showbiz career. Last year ay siya ang nanalo sa talent search ng GMA-7 na Are You The Next Big Star?. Pagkatapos nito ay napasama siya sa mga programang SOP at Bandaoke, at ngayonsa Party Pilipinas. Siya rin ang napiling magbida sa first full-length musical film sa Pilipinas na Emir.
"Ako po, pipilitin ko po na simula pa lang ito at marami pa pong dumating dahil gusto ko pong i-achieve sa buhay ko yung maging isang magaling na performer. Hindi lang bilang isang singer kung hindi isang actress din. Gusto ko pong ma-reach ang goal ko na lahat ng tao ay nai-inspire ko sa ginagawa ko at lahat po ng tao ay natutuwa at nai-inspire ko," pahayag ng dalaga.
Dahil sa mga natatanggap niyang karangalan, mas lalo raw natsa-challenge si Frencheska na paghusayan ang kanyang napiling propesyon.
BEST ACTRESS CONTENDER? Bilang baguhan sa larangan ng pag-arte, marami ang napabilib ni Frencheska sa pelikulang Emir. As early as now, may mga nagsasabi nang posible siyang ma-nominate sa mga award-giving bodies next year. Ano ang masasabi niya rito?
"Sa totoo lang po, hindi ko lang po alam kung magkakaroon po ako ng acting award. Pero kahit na wala po akong award para sa Emir, masayang-masaya po ako para sa nangyari sa Emir.
"Ako po, gusto kong i-push ang sarili ko sa pag-arte at pagkanta po. Yung pagkanta ko po, simula bata pa lang po ako, hilig ko na po yun. Pero hindi ko po akalain na magiging actress po ako. So, sa ngayon po, gusto ko pong i-try na maging mas magaling na actress at singer at the same time dahil passion ko na rin po yun," saad niya.
Bagamat na-introduce na siya sa mundo ng pag-arte, kung pamimiliin, ang pagiging singer pa rin daw ang nangngibabaw para sa kanya.
Aniya, "Siyempre po, ang pagiging singer. Do'n po ako lumaki. Simula pagkabata ko, singer na po talaga ang gusto ko paglaki ko. Ito pong acting na 'to, na-discover ko lang po ito nang mapili ako for Emir."
Sa mga nangyayari sa career niya ngayon, napatunayan na hindi nagkamali ang GMA-7 sa pagpili sa kanya bilang The Next Big Star.
Nangiti si Frencheska at sinabing, "Kasi po for me, hindi ko pa rin nararating yung 'Next Big Star.' Nagsisimula pa lang ako para makarating sa sinasabing star. Marami pa po akong pagdadaanan. At alam ko po sa sarili ko na marami pa po akong dapat i-improve at marami pa po akong dapat na matutunan at gusto ko rin naman po yun."
