Bagamat mas kilala si Fanny Serrano bilang fashion and beauty expert, hindi pa rin niya matanggihan ang tawag ng pag-arte kapag may magandang proyektong ino-offer sa kanya, kahit pa may pagka-daring ang mga eksena. Gaya na lang ng pinakabago niyang pelikulang Tarima na idinirek ni Neal Tan.
"Marami ang nagulat sa pagtanggap ko sa pelikulang ito. I'm an artist, aware ako na mayroong aktor sa loob ng katawan ko," sambit ni Fanny nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa special press preview ng Tarima kagabi, August 16, sa beauty salon niya sa Sct. Rallos St., Quezon City.
Pero hinding-hindi niya raw puwedeng iwan ang beauty business niya para mag-concentrate sa acting. Kaya mapili rin siya sa projects na tatanggapin niya.
"Siguro nagkataong mayroong akong inaalagaan na negosyo ko, na ang involved sa negosyo ko ay maraming trabahador. Pag pinabayaan ko sila ay magiging kawawa talaga ang mga pamilya nila. So, tinatantiya ko talaga na para mahatak mo ako sa pinagtatrabahuhan ko, na bread and butter ko pati yung madaming taong umaasa sa akin, para hatakin mo ako rito, bigyan mo ako ng isang napakagandang project na magpapaalam ako sa kanila. 'O, bahala muna kayo, ha, kasi may gagawin akong maganda, hindi ko matanggihan.'
"Kaya hindi ko sinasadya yun," patuloy ni Tita Fanny. "Bigla na lang nabalita na hindi ako basta-basta tumatanggap dahil may delikado sa istorya or whatever. Hindi, nagkataon na yun ang dahilan."
SATISFACTION. Anong kasiyahan ang nakukuha niya sa pag-arte?
"Yun ang sinasabi ko na outlet ko," sagot niya. "Siguro yung mga tinatawag kong napipigilan kong emotions, during dun sa mga problema ko sa negosyo ko, instead na awayin mo ang mga tao mo, magwala ka, sumigaw ka. Pati ang mga problema sa sarili kong family, naitatago ko, napipigilan ko. Dito ko na lang naibubuhos sa acting department ng career ko."
Ano ang espesyal sa Tarima at tinanggap niya ito?
"Sa mga istorya ng kabadingan, diyan ako masyadong delikado, yung storyline whatever. Kumbaga, ayokong makasakit ng mga damdamin ng mga bading na manonood. Kumbaga, ako yung tinatawag nilang icon sa drama acting sa mga bading, tapos gagawa ng istorya na hindi totoo. So, kaya ko ito tinanggap, kasi pumayag naman si Direk Neal Tan na collaboration kami sa story. Kasi sometimes, mag-ingat tayo na just for cinematic effect, e, kung anu-anong hindi tama ang ilalagay. Sabi ko, 'I want the truth.'
"Ang maganda kay Neal Tan, tinatanggap niya yung inputs ko. Kaya naging sensitive din kami sa pagsu-shooting sa loob ng City Jail dahil maraming bading na preso. So, sa kakausap ko sa kanila, may mga sinasabi ako kay Direk na ipasok sa story dahil yun ang totoong nangyayari sa loob," saad niya.
WORKING WITH ROCKY. Ang leading man ni Fanny sa Tarima ay ang international model at dating housemate sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition na si Rocky Salumbides. Kumusta namang katrabaho si Rocky?
"Si Rocky, bale first movie niya ito," banggit ni Fanny. "Ito talaga ang una niyang ginawa bago pa 'yong ibang movies niyang lumabas na, yung D' Survivors at Muli. Pero ito yung first movie niya na ninenerbiyos talaga siya. Ang hindi ko makalimutan sa kanya, yung mata niya at saka yung pag titingin siya sa akin. Hindi pa siya nagsasalita, pero parang humihingi na siya ng tulong sa mata pa lang. Very expressive ang mga mata niya. Kaya, halimbawa, kapag gusto niyang mag-throw lines kami, sa mata pa lang niya, alam ko na agad.
"Ang sinasabi ko lang sa kanya, maging natural lang siya. Huwag niyang isipin na artista siya kung hindi ramdamin niya ang role niya bilang prisoner. And in all fairness sa kanya, para sa isang baguhan sa acting, naibigay niya ang hinihingi ng role. At saka kahit international model na siya ay napaka-humble niya."
CONTROVERSIAL LOVE SCENE. Okay lang ba sa kanya na ang mas napag-uusapan sa ibang mga naglalabasang write-ups ay ang tungkol sa love scene nila ni Rocky sa pelikula?
"Okay lang, wala tayong magagawa," sagot ni Fanny. "Ang ayoko lang ay 'yong istoryang gimik na hindi totoo. Halimbawa yung sasabihin may namumuong relasyon sa amin ni Rocky. Yun ang hindi ko matatanggap talaga. Ako na yung magko-call ng attention mo.
"Pero since totoo naman ito, na very controversial ito, lalo ako as a Born-again Christian, papaano ako napapayag, paano ko nagawa 'yon, so okay na sa akin yun. After the sneak preview na ginawa na namin, talagang yung mga nakapanood, na-surprise. Yung love scene ko kasi kay Rocky sa bandang ending yun, e. Parang nabalewala yun. Ngayon lang ako nakakita ng isang love scene na imbes tumaas ang libido mo ay umaagos ang luha ng mga nanonood. After nilang mapanood yung pelikula, tapos nag-love scene, nakita nila kung bakit naganap yung love scene na yun."
Totoo bang hiniling niya raw na huwag manood ng shooting ang girlfriend ni Rocky na si Eula Valdes kapag ginawa nila ang love scene?
"Siyempre naman. Mahirap naman kasing gumawa ng love scene na alam mong nanonood ang girlfriend, di ba? Magkakailangan lang kami. And I'm sure alam naman ni Eula yun bilang artista rin siya."
Handa na ba siya sa criticism at negative comments na ibabato sa kanya?
"Handang-handa na ako sa mga criticisms. Ready ako diyan," sabi niya. "Pero 'wag na kayong mag-attempt dahil masasayang lang. Hindi n'yo ako mapapatumba. Hindi ko ginawa ang pelikulang ito para lang ako makatikim ng lalaki, makipag-love scene ako dahil gusto ko. No, it's a role.
"Siyempre, hindi mo maaalis na some people tend to be judgmental. 'Si Fanny nakipag-love scene, nagpakita ng puwet, nakipaglaplapan sa lalaki,' yun agad, e. Hindi muna nila tingnan. Kaya sabi ko, 'Hayaan mo.' Kumbaga, masusupalpal sila lalo na kapag napanood nila yung pelikula."
HOPING FOR AN ACTING AWARD. Umaasa ba siya na magkaka-acting award siya sa pagganap niya rito sa Tarima?
"May mga nakapanood na sa preview na nagsasabi na sure na raw ako as Best Actor sa mga award-giving bodies. Pero alam mo, totoo, nangangarap ako. Hindi ako puwedeng makipagplastikan na gusto ko. Pero aware ako na mayroong pulitika sa mga award-giving bodies, na hindi natin alam kung kailan umaatake 'yang bagyong 'yan ng pulitika sa isang award-giving body. Kumbaga, ang ipinapanalangin ko na lang, e, huwag akong mabiktima. Kung sakaling mangyari yun, accept na lang ako.
"Kaya hindi ako yung to the highest level na, 'Ay, ako na, mananalo na ako!' Hindi ako ganun. At saka hindi natin alam after nitong Tarima na all praises sila, biglang may darating na mas magandang pelikula at mas magaling na aktor. Ganun lang yun, e, at ako na mismo ang magsasabi na magaling ako sa Tarima. Pero pag mayroon akong nakitang mas magaling na aktor sa akin, ie-endorse ko pa siya."
Ibinigay na raw ni Fanny ang best niya sa Tarima dahil ayaw raw niyang mapahiya sa mga manonood, lalo na sa mga friends niya.
"Kay Sharon [Cuneta] nga, teaser pa lang yung ipinakita ko, sabi ba naman, 'TF, ano 'yan, may kissing scene?' Sabi ko, 'Ikaw nga nakikipag-kissing-kissing din, e, ako pa kaya?' Basta nanibago lang siya sa akin. Sabi ko, 'Kissing scene pa lang 'yan, hindi mo pa nakita yung iba kong ginawa. E, di lalo na pag nakita mo.'
"Pero sina LT [Lorna Tolentino] at yung iba ko pang ka-legends, they're very, very happy na tinanggap ko yung role. Ito ha, sa sobrang pagmamalaki ko rito, kahit ito na yung last movie ko as an actor, okay na sa akin. Kumbaga, kung si LT may Maging Akin Ka Lamang, si Sharon may Madrasta, ako as Fanny Serrano, the actor, may maipagmamalaki na ako, ito ngang Tarima."
Ang Tarima ay tungkol sa wagas na pag-iibigan ng baklang si Roselo (Fanny) at ng lalaking preso na si Bryan (Rocky). Tumutukoy ang tarima sa isang maliit na kuwarto sa bilangguan kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga preso na makipagtalik o magkaroon ng private moment sa kanilang asawa o minamahal.
Bukod kina Fanny at Rocky, kasama rin sa pelikula sina Gloria Romero, Rustica Carpio, Chokoleit, Ana Capri, Gina Alajar, at Raymond Cabral.
Ang theme song ng pelikula na pinamagatang "Napapagod Din Ang Puso" ay kinanta ng dating Star in a Million finalist na si MJ Ringor.
Magkakaroon ng premiere night ang Tarima sa August 28 sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines.