Ibang iba ang aura ni Kris Aquino nang humarap siya kahapon, September 8, sa media para sa event ng kanyang endorsement na Olay Total Effects.
Lalong pinatingkad ng damit na gawa ng batikang designer na si Jun Escario ang maputi at makinis na kutis ni Kris, na siyang ipinagmamalaki niyang epekto raw ng paggamit ng naturang produkto.
Kung susumahin, ito na ang ika-limang product endorsement ni Kris sa kumpanyang Procter & Gamble; kabilang ang isang diaper product na pareho nilang ine-endorse ng anak na si Baby James o Bimby—na tila humahabol naman sa kanyang tagumpay bilang isang product endorser.
BIMBY'S MONEY. Mukhang malaki na ang kinikita nitong si Bimby on his own dahil bukod dito ay may iba pa siyang endorsements, both solo and with his mom.
Hindi naman naiwasang matanong si Kris kung ano ang partisipasyon ng ama ni Bimby na si James Yap ukol sa pagmo-modelo ng kanilang anak.
Totoo nga bang nakikialam ito sa pera na kinikita ni Bimby out of his endorsements?
Panandaliang natahimik si Kris bago sinagot ang mga tanong na ipinukol sa kanya ng ilang reporters; tila naghahanap ng tamang paraan kung paano ipaliliwanag ang nais niyang sabihin.
"You know, I don't think that James is the type of person na kukuhanan ng pera ang sarili niyang anak," bitaw ni Kris.
"So, everything that our son has earned, malinis na malinis ang accounting.
"In fact, both my managers, si Deo [Endrinal] at si Boy [Abunda], walang porsiyentong kinikita.
"Mas mayaman na actually ang anak namin," dagdag pa niya.
Ayon kay Kris, lahat naman ng kinikita ni Bimby ay itinatabi o ipinambibili ng investments bilang paghahanda sa kinabukasan ng bunsong anak.
"Oo, kasi may naipundar na kami para sa kanya na property.
"Kumpleto na yung education niya all the way hanggang masters [degree] kung gugustuhin niya.
"Mayroon na rin siyang trust fund, pareho sila ni Josh [panganay ni Kris sa aktor na si Phillip Salvador].
"So, I think, you know, huwag na kayong gumawa ng intriga between me and James, kasi tapos na, e," hiling ni Kris sa media na from time to time ay natatanong pa rin tungkol sa dating asawa.
Muli niyang ipinaliwanag ang estado ng kanyang relasyon sa sikat na basketball player.
"In all fairness, we're not close—kasi I don't want to be plastic and say we're close—but we're civil," sambit ni Kris.
"He's enjoying a very good relationship with our son and si Bimby also.
"Kasi hindi naman niya nafi-feel na may stress between his parents kaya happy siya.
"So, siguro, bilang magulang, 'yon naman talaga ang responsibilidad namin.
"Yung pera na pinag-uusapan diyan, it's unfair to James, I think.
"And in all fairness, pumipirma siya sa lahat ng kontrata for Bimby because sa dami nga ng endorsement ngayon, and nakita naman talaga niya kasi pinapakita ko sa kanya kung ano yung mga meron na si Bimby."