Kinumpirma ng isang reliable PEP source na hiwalay na sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao. Dawit sa breakup ng dalawa ang dating nakarelasyon ng aktor na si Ruffa Gutierrez (inset).

Photo: Noel Orsal

Break na sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao.

Ito ay kinumpirma ng isang reliable source sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong umaga, October 24.

Ayon sa source, nag-ugat ang breakup nina John Lloyd at Shaina sa birthday party ni Bea Alonzo noong October 8, Thursday, sa The Establishment sa The Fort, Taguig City.

Imbitado sa party ni Bea sina John Lloyd at Shaina, pati na si Ruffa Gutierrez.

Si Ruffa ay nakarelasyon ni John Lloyd bago pa naging girlfriend ng aktor si Shaina.

Pagkatapos nito, nagkita-kitang muli sina John Lloyd, Shaina, at Ruffa sa birthday concert ni Vina Morales, ang nakatatandang kapatid ni Shaina, noong October 17, Monday, sa Republiq Bar, Resorts World Manila, Pasay City.

Guest performer si Shaina, samantalang kabilang sa audience si John Lloyd.

Present din sa audience si Ruffa, na kasama naman ang mga magulang na sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez.

Ayon sa source, pagkatapos ng birthday concert ni Vina ay nagsimula na raw ang pagpapadala ng text messages ni Shaina kay Ruffa.

Hindi matukoy ng source kung ano ang nilalaman ng mga text messages, pero ayon sa isa pang source, ang laman ng text ay: "Leave us alone!"

May mga lumabas ding reports sa ilang tabloids na nagselos diumano si Shaina dahil nakipagkuwentuhan si John Lloyd kay Ruffa—at maging sa isa pang ex-girlfriend ng aktor na si Liz Uy—sa birthday ni Bea.

Bagamat hiwalay na si John Lloyd kina Ruffa at Liz, pinaniniwalaang maganda pa rin ang pakikitungo nila sa isa't isa, at kaswal na nakikipag-usap si John Lloyd sa dalawang dalaga tuwing nakikita niya ang sino man sa kanila sa mga okasyon—gaya na lang ng birthday ni Bea.

Ayon sa PEP source, ang ginamit pa diumano ni Shaina sa pagti-text kay Ruffa ay mismong cell phone ni John Lloyd.

Nang malaman daw ito ni John Lloyd, nagkaroon na ng gulo sa pagitan ng magkasintahan.

Humantong nga raw ito sa breakup ng dalawa, na hindi pa nila ipinapaalam sa publiko.