"Oo. Tagal pa. Bata pa ko. Test yun. Wala namang lalaking naghihintay, di ba? Test yun," says Julia Montes on "testing" rumored suitor Enchong Dee.

Photo: Nimfa Chua

Sa blessing ng bagong opisina ng Star Magic kahapon, January 9, sinundan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Julia Montes upang makita kung may pagkakataong magtatabi at magkakausap sila ng nali-link sa kanya ngayon na si Enchong Dee.  

Hindi namin alam kung nalingat kami at may pagkakataon na nagkalapit din sila, pero wala kaming nakita na nag-usap man lang sila.

"Happy New Year. Happy New po! Happy New! Charos!" paulit-ulit na bati ni Julia Montes habang papalapit sa amin para sa interview na ito.

Magse-seventeen pa lang si Julia.

Isang taon pa ang hihintayin ni Enchong Dee, na napababalitang interesadong lumigaw sa magandang dalaga.

"Oo. Tagal pa. Bata pa ako.

"Test yun. Wala namang lalaking naghihintay, di ba? Test yun," nangigiti niyang sabi.

COCO'S LEADING LADY! Masaya naman si Julia dahil ipalalabas na ang kanilang teleseryeng Walang Hanggan, na pambungad ng ABS-CBN ngayong 2012.

"Ayun, malapit na po, January 16. Next week na po. Next Monday na," banggit ng young actress.

Ano ang kanyang nararamdaman sa papalapit na pag-ere ng kanilang teleserye?

"Excited, pero may halo ring kaba, siyempre.

"Kasi siyempre, bagong Julia yung makikita nila dito, e.

"Kumbaga, kasi sa Growing Up, ang nakikita nila [sa akin] may crush-crush...puppy love.

"Dito kasi, more on love talaga.

"Kaya medyo mature yung role. Kaya, yun."