Marian Rivera on cooking and preparing diet food for boyfriend Dingdong Dantes: "Hindi naman ako nagdyi-gym para masamahan siya, so 'yon na lang ang gagawin ko. Sabi niya sa akin yung mga puwede at hindi niya puwedeng kainin. So, ako yung naghahanda nun para sa kanya. Para at least, name-maintain niya yung magandang katawan."

Photo: Noel Orsal

Eksakto isang buwan matapos ipalabas ang huling episode ng epic-serye ng GMA-7 na Amaya, mapapanood muli si Marian Rivera sa isang primetime series.

Sa February 13, Lunes, ay magsisimula nang umere ang My Beloved na pagbibidahan ni Marian at ng kanyang kasintahan na si Dingdong Dantes.

Halos katatapos lang ng Amaya nang simulan ni Marian ang taping ng bago niyang teleserye sa Kapuso network, pero hindi naman daw siya masyadong nahirapan na bitawan ang karakter ni Amaya—na halos isang taon din niyang ginampanan—para gampanan ang bago niya role bilang si Sharina.

Ayon kay Marian, "Siguro nung una, masasabi ko oo, pero nung nakapa ko na yung character ni Sharina, okay na.

"Kasi napaka-light lang naman ng character ni Sharina compared naman sa Amaya na talagang ang bigat.

"Eto, medyo bait-baitan lang, 'tapos malambing lang ako sa kapatid kong si Jennica [Garcia], 'tapos na-in love lang ako kay Dingdong... the usual lang na nangyayari sa buhay.

"Siguro maganda lang kasi maraming twists na nangyayari, na maraming aksidente.

"'Tapos marami ang hadlang sa pag-iibigan namin ni Benjie [Dingdong], yung conflict naming magkapatid, 'tapos may kontrabida pa—si Tita Chanda [Romero], si Tita Nova [Villa]... maraming gano'n, ang dami!"

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Marian sa grand launch ng My Beloved kagabi, February 7, sa Studio 7 ng GMA Network.

Sinimulan daw ni Marian ang pagta-tansform para sa role niya bilang Sharina sa pamamagitan ng pagpapagupit ng buhok.

"Kasi pag mahaba, Amaya talaga, e.

"So yun, pagupit ako, bangs-bangs konti para iba lang," sabi ng aktres.

Isa pang ikinatutuwa ni Marian tungkol sa My Beloved, karamihan sa cast members nito ay nakatrabaho na niya noon.

Maliban kay Dingdong na ilang beses na niyang nakatambal, nasa cast din sina Katrina Halili na nakasama ni Marian sa Marimar; si Paolo Contis sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang; si Jennica Garcia sa One True Love; at si Mikael Daez sa Amaya at Temptation Island.