Marami ang nakakapansin na mailap daw si Xian Lim dahil hirap itong magtiwala. Sabi naman ni Xian tungkol sa “trust issue: “Natawag na lang siguro na trust issue. Pero hindi naman ganoon... more to myself kasi ako, e. Yung masaya na akong mag-isa… ganoon kasi ako, e.”

Photo: Noel Orsal

Buhay na buhay na naman ang tambalang Xian Lim at Kim Chiu na huling napanood at kiniligan sa My Binondo Girl.

Muling pinagsama ng ABS-CBN ang dalawa sa bagong teleseryeng Ina Kapatid Anak.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Xian sa presscon ng Ina Kapatid Anak noong Lunes, September 24, sa Whitehouse Restaurant, Quezon City.

Tinanong namin ang young actor kung ano sa palagay niya ang dahilan kung bakit click ang tambalan nila ni Kim.

Sagot niya, “Yung sinasabi ko dati na siguro dahil kumportable kami sa isa’t isa, yung trust namin sa isa’t isa, hindi kami yung parang may itinatago.

“Kung mayroong ilangan, halimbawa magkaeksena kami, sasabihin ko lang sa kanya, ‘Kim, nahihiya ako!’”



NEW CHALLENGES. Dito sa Ina Kapatid Anak ay gumaganap si Xian bilang si Liam, na love interest ni Kim sa papel na Celine.

Ano ang challenges para kay Xian ng bago niyang character?

“Ang challenges siguro para sa role ko yung mayroon akong kapatid. Kasi wala naman akong kapatid sa totoong buhay.

“My whole life, ako lang mag-isa, kasama ko lang yung nanay ko.

“’Eto, very caring sa kapatid, sa baby sister ko [Maja Salvador].

"So, iyon yung parang saan ko kukunin yung ganoon—na maalaga sa kapatid gayong hindi ko naman na-experience yung ganoon since wala nga akong kapatid."

Dagdag ni Xian, “Isa pa siguro yung makatrabaho ko yung mga veterans, kasi ang dami nila rito, e. 

“Yung nakatrabaho ko lang sa My Binondo Girl si Miss Pie [Cherry Pie Picache]. E, dito, sina Tito Ronaldo [Valdez], Tita Pilar [Pilapil], Tito Eddie [Guttierez]...

“Sa totoong buhay nga, pag nakikita ko sila, kinakabahan na ako. What more kapag nakakasama ko pa sila sa mga eksena.

“So, iyon yung isa rin sa mga challenges, kasi hindi pa ako na-expose sa kanila."