[x]


A showcase of talent and friendship at the recently-held ASAP Sessionistas 20.11 featured (from L-R) Sitti, Duncan Ramos, Nina, Princess Velasco, Juris Fernandez, Aiza Seguerra, and Richard Poon.

Photo: Allan Sancon

Dumagundong ang buong Araneta Coliseum sa naganap na pre-Valentine concert ng ASAP Sessionistas 20.11 noong nakaraang Sabado, February 5.

Completos recados ito dahil pinagsama-sama ang pito sa magagaling na performers pagdating sa musika. Merong Asia's acoustic sensation, may soul siren at big-band crooner, samahan mo pa ng acoustics princesses, RnB man at bossa nova lady.


Sa opening, inawit nina Nina, Juris Fernandez, Princess Velasco at Sitti ang "Mash Up."

'Tapos, pumasok sina Duncan Ramos at Richard Poon with their version of Gary Valenciano's "Di Bale Na Lang." Todo sa pagasayaw ang una, samantalang hindi masyadong gumagalaw ang pangalawa.


Sumunod ay ipinakilala ni Richard si Aiza Seguerra bilang "Reyna ng Gabi," na siya namang titulo ng unang piyesa ng dating child star.

Nagmistulang radio station ang stage dahil ito ang naging theme. May segment tungkol sa Most Requested Songs, kung saan kinanta ng mga singers ang hit songs mula 1950's up to present. Napaka-casual ng kanilang set up sa stage.

Hindi kumplikado ang blocking ng mga sessionistas. Habang kumakanta ang isa nilang kasamahan, nasa magkabilang gilid lang ang iba na nakaupo, nakikinig, nakikisayaw, at nakikikanta rin sa kapwa singer.

Kabilang sa repertoire nila ang medley ng kanta ni Charice na "Telephone," na si Princess ang nag-perform, at Arnel Pineda na "Faithfully," na si Duncan naman ang bumirit. Nag-trio sina Richard, Aiza at Sitti sa rendition nila ng "Don't Stop Believing."

Nag-a la The Andrews Sisters sina Juris at Princess during their performance para sa "Candyman," na isinulat ng American recording artist na si Christina Aguilera  (kasama si Linda Perry) hango sa 1941 hit ng famous trio na "Boogie, Woogie Bugle Boy." Noong gabing iyon, binansagan ang dalawang Acoustic ladies ng kanilang mga kasamahan na "Candy Cane Girls."


Siyempre, hindi mawawala ang panghaharana ni Richard, na umikot sa halos buong patron area ng Big Dome habang kinakantahan ng "The Way You Look Tonight" ang mga girls.

Nagpamalas naman ng versatility si Sitti. Mula sa bossa nova, nag-sing-and-dance ito sa kanyang samba number.


Hindi nagpatalo ang Michael Jackson ng grupo na si Duncan Ramos, na inawit ang "PYT" with the G-Force.

As for Nina, nagsama ito ng single mula sa mga songs ng King of Pop, ang "Gotta Be There."

Maging teary-eyed si Juris nang kantahin ang hit song ng Side A Band na "Forevermore." Nang tanungin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal)  after ng concert kung bakit siya naiyak, aniya: "Masyado lang po ako nadala sa kanta, masyado ko lang po na-feel yung kanta ng Side A Band."


Isa sa mga highlights ng concert ay ang medley of songs ng Beatles at APO Hiking Society. Sa portion na ito nag-Afro sina Richard at Duncan nang kantahin nila ang VST Medley na "Awitin Mo, Isasayaw Ko" with Sitti and Nina. Of course, may medley rin para sa hits ng Eraserheads tulad ng "Magasin" at "Tsinelas."

Binigyan ng acoustic flavor nina Princess at Juris ang OPM all-time favorite na "Bakit Ba Ganyan?"

Feel na feel ni Richard ang kanyang pag-awit ng  "Hindi Magbabago," na idinedicate niya sa isang babae sa audience.

Ang kanyang spiel before his song number: "Iniaalay ko ang awitin kong ito sa aking..." Nagtilian ang crowd, na inakalang si Maricar Reyes ang kanyang tinutukoy. Dugtong niya, "...sa mommy ni Aiza."


Pagkatapos ng kanta ni Richard, hiniling ni Aiza na i-kiss ng balladeer ang kanyang Mommy Caring. Sabi ng Filipino-Chinese singer, "Sigurado ka Aiza? Kasi pag hinalikan ko mommy mo, tayo na!" Nagsigawan ang mga tao.

Biro ni Richard sa audience: "Gusto n'yo bang halikan ko si Mommy Caring para kami na ni Aiza?"