Korean young actress Sandara Park admits that she will leave the Philippines with a heavy heart. "Akala ko marami ang nagmamahal sa akin, mga kaibigan ko, pero hindi pala. Nawala rin sila nung kailangan ko sila," says Sandara. Photo: Noel Orsal


Nakatakdang umalis ngayong araw, bandang alas-dos ng hapon, sakay ng Philippine Air Lines patungong Korea ang young actress na si Sandara Park. May isang buwang pinag-isipan ni Sandara ang desisyong bumalik na lamang sa Korea, kasama ang kanyang dalawang kapatid at ina, at iwanan na ang mundo ng showbiz.



Kahapon sa isang clinic sa Greenhills ay inabutan ng The Buzz si Sandara, kasama ang mga kaibigan at handler sa ABS-CBN Star Magic. Nagpaunlak ng esklusibong panayam si Sandara sa naturang showbiz talk show ng Kapamilya Network.



Inilihim daw talaga ni Sandara ang kanyang pag-alis sa kanyang mga kaibigan. Kaya kahapon lang siya nagpaalam sa ilang mga kaibigan through text. Ayaw raw niya kasi na maiyak-iyak siya sa harap ng mga kaibigan habang nagpapaalam.



Ultimo flight details ni Sandara ay ayaw niyang sabihin sa kanyang mga kaibigan para hindi na siya ihatid at lumuha sa airport. Nakunan din ng The Buzz ang huling pakikipagkita ni Sandara sa mga kaibigan at fans niya sa Greenhills bago siya umalis.



Sinabi ni Sandara na kaya siya nagdesisyong bumalik na sa Korea ay dahil wala na rin siyang ginagawa dito. Pagkatapos ng huling TV show niya sa RPN 9 ay wala na raw siyang project.

Si Sandara ay produkto ng talent search ng ABS-CBN na Star Circle Quest, kung saan naging runner-up siya ng nanalong si Hero Angeles.



Isa rin daw sa mga dahilan ng pagka-depress niya ay unti-unting nawawala ang dati niyang mga kaibigan.



"Akala ko marami ang nagmamahal sa akin, mga kaibigan ko, pero hindi pala. Nawala rin sila nung kailangan ko sila," malungkot na pahayag ni Sandara.

Ayon pa sa Korean young actress, tapos na ang kontrata niya sa Star Magic, ang talent arm ng ABS-CBN, at wala naman daw siyang natanggap na offer to renew her contract. Babalik na lang daw siya sa Korea at doon magtatrabaho. Kung mabibigyan pa raw siya ng chance ay baka ipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral.



Pero mas priyoridad ni Sandara na buhayin ang kanyang pamilya sa pagtatrabaho sa Korea dahil siya pa rin ang breadwinner. Kung hindi kakayanin ni Sandara na pag-aralin ang kanyang mga kapatid, puwede naman daw maging working students ang mga ito.



Hindi masabi ni Sandara na hinding-hindi na siya babalik sa Pilipinas. Kinunsidera na raw niya kasi ang Pilipinas bilang kanyang tahanan at Korea ang kanyang second home.

She will get in touch pa rin daw sa mga friends niya through e-mails. If may offer sa kanya to do something here ay puwede naman daw iparating sa kanya sa e-mail.



Tinanong din ng The Buzz si Sandara tungkol sa kanyang amang nakakulong. Wala raw siya sa Pilipinas nang mabalitaang nahuli ang kanyang ama. Matindi ang mga binitiwang salita ni Sandara sa kanyang ama.



Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Sandara tungkol sa ex-boyfriend niya na si Joseph Bitangcol. Pero inamin niyang napakasakit para sa kanya ang break-up nila ni Joseph. Almost three years din tumagal ang kanilang relasyon.



Halos gabi-gabing umiiyak si Sandara bago ang kanyang pag-alis. Kaya parang naubos na raw ang luha niya nang ini-interview siya ng The Buzz. Inamin ni Sandara na babalik siya ng Korea with a heavy heart.

Bukod sa mga TV shows na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN, nakagawa ng tatlong pelikula si Sandara sa Star Cinema: Volta (cameo), Bcuz Of U, Can This Be Love, at D'Lucky Ones. Ang huli niyang pelikula ay ang Super Noypi ng Regal Entertainment.