Sunshine Dizon has finished her special course on culinary arts at the Academy for International Culinary Arts in Pasig City. She wears her uniform proudly during the academy's graduation rites. Photo: Ruel Mendoza

Sa wakas, natupad na rin ni Sunshine Dizon ang kanyang dream na mag-aral ng culinary arts. Recently, nakuha na niya ang kanyang certificate sa pamamagitan ng 17-day special course sa Academy for International Culinary Arts (A.I.C.A.) sa Pasig City.

 

Last Friday night ay nalagay na sa pagsubok ang mga nalalaman ni Sunshine, pati na ang kanyang mga classmates, sa pagluluto't paghahanda ng iba't ibang pagkain para sa kanilang mga bisita. Ito ang nagsilbing graduation rites nila.

 

Special guests ni Sunshine that night ay ang kanyang butihing inang si Ms. Dorothy Laforteza, at ang mother at sister ni Dingdong Dantes, na family friend nila.

 

Hindi makapaniwala si Sunshine na natupad na rin ang matagal niyang pangarap na pasukin ang mundo ng culinary arts. Next step para kay Sunshine ay ang makakuha naman ng diploma para mas marami pa siyang malaman tungkol sa sining ng pagluluto.

 

"Special course pa lang naman itong nakuha ko and I really had so much fun," ngiti ni Sunshine.

 

"Mababait lahat ng mga tao sa A.I.C.A. at kahit na alam nilang may ginagawa akong TV show ngayon, they've been so accommodating sa schedules ko. Pero I make it a point na dumating on time para sa mga lessons namin. Hindi lang naman sa pag-aartista ang pagiging professional ko kundi pati rin sa ibang ginagawa ko ngayon."

 

Naka-enroll na si Sunshine sa A.I.C.A. right after matapos ang mga tapings niya para sa huling drama series niya sa GMA-7 na La Vendetta. Nasa kalagitnaan na siya ng naturang special course nang biglang tawagan siya para gawin ang role na Ragona sa Kamandag.

 

"Hindi ko nga ini-expect na mabibigyan kaagad ako ng trabaho kasi naka-focus na ako sa pag-take up ko ng culinary arts. Pero okay lang kasi naging helpful din naman ang mga taga-Kamandag sa schedules ko. It only takes me naman four hours a day para sa course ko dito sa A.I.C.A., tapos tatakbo na ako sa taping for Kamandag.

 

"So far, walang naging problema kasi natapos ko rin itong culinary course ko at maganda ang nangyayari sa aming show na Kamandag. Ang taas ng ratings namin kaya doble-doble ang saya ko."

 

May plano si Sunshine na magtayo ng sarili niyang restaurant in the future at siyempre, gamit ang kanyang mga special recipes na matutunan pa niya sa ilang kurso pa na kukunin niya sa culinary arts.

 

"Isa yun sa mga plans ko pero sa ngayon, ito muna ang gagawin ko. Mas makakatulong ako kay Mommy [Mrs. Dorothy Laforteza] sa kanyang food and catering business. Mas may maiko-contribute ako sa negosyo niya.

 

"Si Mommy at Daddy ko kasi, pareho silang magaling magluto talaga. Siguro nga it runs in the blood. Noon pa naman ako interested sa pagluluto, ngayon lang ako nagkaroon ng chance to really show how I appreciate good food and great preparations. Mas marami pa akong matututunan kung matuloy ako sa pagkuha ko ng diploma."

 

Ngayong Valentines Day raw ay walang special date si Sunshine dahil ang makakasama niya ay ang mga classmates niya sa A.I.C.A. Baka raw sila ang magbigay ng isang special dinner para sa isang date on Valentines Day.

 

"I think magke-cater kami for a Valentines date," ngiti niya. "For a change, hindi ako makikipag-date kundi kami ang maghahanda ng kakainin ng isang magde-date. Kakasabi lang kasi sa akin and gusto kong subukan na ang mga nalalaman ko. Kaya no date for me on Valentines Day."

 

From a reliable source, matagal na raw nakipag-break si Sunshine sa nabalita niyang boyfriend na si Jojo Manlongat. May kinalaman daw sa sobrang busy na schedule ni Sunshine kaya naghiwalay sila.