Former Tabing-Ilog star Paula Peralejo accomplished one feat that only a few people can do—graduate with honors. The younger sister of Rica Peralejo graduated magna cum laude at University of the Philippines yesterday, April 26. Photo: File photo

Kahapon, April 26, ang maituturing na isa sa pinaka-espesyal na araw para sa dating young star na si Paula Peralejo. Nagbunga na rin kasi ang ilang taong pagtalikod niya sa kanyang showbiz career para maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Paula, a few hours before her graduation day. Nalaman namin sa kanya na nakatapos na nga siya ng kursong B.A. Philosophy, Minor in Tourism sa UP—magna cum laude.

Hindi maikakaila ang kaligayahan ni Paula sa natamong achievement, higit sa lahat ang magawa niya ang karaniwang hindi magawa ng ibang artista, ang matapos ang kanilang pag-aaral.

Hindi na nasagot ng nakababatang kapatid ni Rica Peralejo, kung pagkatapos ba niyang mag-graduate ay may plano pa rin siyang magbalik showbiz. Ani Paula, a few days after her graduation, lilipad siya papuntang Amerika para dumalo sa seminar na Philosophy for Kids. After that, mag-i-stay pa rin siya sa ibang bansa ng ilang buwan para naman magawa niya ang isa sa mga hilig niya—to travel and explore the world.

Kung ang pagbabasehan ay ang mga online account ni Paula tulad sa Facebook, makikitang bukod sa pagiging vegetarian, isa rin siyang environmentalist. Hindi lamang mga lugar sa ibang bansa ang ine-explore niya kundi ang bawat lugar rin sa Pilipinas.

Ayon kay Paula, after niyang manggaling sa ibang bansa ay magtuturo naman siya.

Nagsimula si Paula sa kanyang showbiz career sa dating pambatang programa ng ABS-CBN na Ang TV! Pero mas nakilala siya nang gawin niya ang kahuli-hulihang regular show niya, ang youth-oriented Tabing-Ilog, kung saan si Patrick Garcia ang ka-love team niya.