"May kaba po talaga. Hindi po ako makapaniwala na nandoon ako sa special day na ‘yon. Masaya po ang atmosphere. Nagpapasalamat ako sa Diyos at isa ako sa masuwerteng nandoon sa Washington D.C.," says young Filipino singer Charice Pempengco.

Photo: Noel Orsal

Dumating ng alas-dose ng madaling-araw kahapon, January 22, ang petite Pinay singer na si Charice Pempengco sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng Northwest Airlines galing Los Angeles, California. Sinalubong si Charice ng kanyang mga kamag-anak, fans, at press.

Muling pumunta ng U.S. si Charice para mag-perform sa pre-inauguration ball ng bagong U.S. President na si Barack H. Obama. Naimbitahan si Charice na mag-perform sa Mandarin Oriental at sa Grand Hyatt Washington Hotel, na parehong nasa Washington D.C., para kumanta.

Bagamat wala roon mismo si President Obama, present naman daw sa pre-inauguration balls na ito ang ilang importanteng U.S. politicians, bukod sa maraming Pinoy na naka-base doon. Ang nag-represent daw kay President Obama ay ang kapatid nitong si Maya Soetoro-Ng.

Inamin ni Charice na kinabahan siya dahil ibang crowd na raw ang kanyang nasa harapan at hindi ang usual na crowd na parati niyang inaawitan sa U.S.

"May kaba po talaga. Hindi po ako makapaniwala na nandoon ako sa special day na ‘yon. Masaya po ang atmosphere. Nagpapasalamat ako sa Diyos at isa ako sa masuwerteng nandoon sa Washington D.C.," sabi ni Charice sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Inawit ni Charice sa pre-inauguration balls ang "One Moment In Time" at "God Bless America." Ayon sa isang review sa isang kilalang U.S. magazine, namangha ang mga nanood kay Charice sa bawat birit ng kanyang boses. Walang makapaniwala na galing ang boses na ‘yon sa maliit na katawan ni Charice.

"I did my best po para mapasaya ko silang lahat sa party na ‘yon," sabi ni Charice. "Nahihiya nga po ako pero noong naramdaman ko na nagustuhan nila ang performance ko, doon po ako nagkaroon ng confidence. Gusto ko pong ipakita ang galing nating mga Pinoy."     

Biglaan daw ang pag-uwi ni Charice sa Pilipinas dahil marami siyang mga commitment na gagawin dito. Dapat ay tumagal pa siya sa U.S. para matapos ang kanyang album, pero kinailangan niya nang bumalik.

May balita rin na baka magkaroon sila ng duet ng American Idol 7 first runner-up na si David Archuleta sa isang project. Pero ayon kay Charice, hindi pa raw confirmed ang balitang ito dahil ongoing pa ang negotiations sa mga humahawak sa music career ni Archuleta.