Charice Pempengco, internationally known as Charice, debuted her first single "Note To God" in The Oprah Winfrey Show. The show's host Oprah Winfrey was amazed and thrilled anew by Charice's performance.

Photo: YouTube

Kahapon, May 18, muling pinahanga ni Charice Pempengco ang itinuturing na pinakasikat at pinaka-powerful na TV personality sa U.S., si Oprah Winfrey. Guest kasing muli ni Oprah si Charice, this time para sa finals ng  "Oprah's Search for the World's Smartest and Most Talented Kids" ng The Oprah Winfrey Show.

Ilang araw bago ang show mismo, in-advertise pa ng Oprah ang pag-guest ni Charice bilang "A television event a year in the making."

Matatandaang nag-guest last year si Charice sa Oprah at labis niyang napabilib ang sikat na TV host, ang studio audience, at libu-libong American home viewers ng show. Noong September, tatlong buwan pagkaraan ng unang appearance ni Charice, nag-guest muli si Charice at binigyan pa ng malaking sorpresa nang ipakausap sa kanya ang "ultimate idol" nitong si Celine Dion.

Nagka-duet nang buwan ding iyon sina Charice at Celine sa concert ng huli sa Las Vegas, Nevada. Na-feature din sa Oprah ang concert ilang araw matapos ito.

Sa pangatlong pagkakataon bilang guest ni Charice sa Oprah, nagmistula na rin itong launching ng first single niya na "Note To God."  

Kinanta originally ng RnB teen singer na si JoJo sa second album nitong High Road (2006), ang "Note To God" ay likha ng legendary American songwriter na si Diane Warren ("Because You Loved Me," "Un-Break My Heart," "How Do I Live").

Ang version naman ni Charice ay produced by David Foster, ang itinuturing niyang mentor. Tagapayo rin si Foster ng mga sikat na singers tulad nina Celine Dion, Whitney Houston, Barbra Streisand, Josh Groban, at marami pang iba.

Bago umawit si Charice, ikinuwento muna ni Oprah kung gaano kabilis naabot ng "little girl from the Philippines with a very big voice" ang mga pinapangarap nito sa napakaikling panahon.

May video presentation pang kasabay ang kuwento ni Oprah na nagpapakita ng mga nangyari nga kay Charice sa loob lang ng isang taon—shows with David Foster, duets with Celine and Andrea Bocceli, ang bahay at kotseng nabili niya para sa mommy niya, at mga latest tungkol sa career niya. Ang 10-year-old na batang babaeng co-host ni Oprah na si Jordan ang siyang nag-introduce kay Charice.

Kasama si David Foster sa piano, isang string orchestra at back-up singers na choir, kinanta ni Charice ang "Note To God." At katulad ng mga nakaraang performances ni Charice, bigay na bigay ang 17-year-old sa pagkanta at muling namangha si Oprah at ang studio audience. May mga nagtayuan pa nga at pumapalakpak bago pa man matapos ang kanta.

Hindi rin mapigilan ni Charice ang mapaluha nang malapit nang matapos ang  performance niya dahil sa magandang pagtanggap ng studio audience at ni Oprah.

Matapos ang kanyang pag-awit , ininterbyu pa si Charice nina Oprah at Jordan. Kinausap din ni Oprah sina Diane Warren at David Foster.

Tanong ni Oprah: Kinabahan ba si Charice habang kumakanta?

"I'm actually...I'm about to cry earlier, 'cause I was so nervous and I felt like...that  I'm gonna faint. 'Cause this is really big for me, I mean, I sang my first song, my own song, I mean the people are gonna say that, 'Oh, that's Charice's song," sagot ng dalaginding.