Filipino singing sensation Charice Pempengco may be making a name in the international stage but she remains a diligent daughter to mom Racquel (left). Charice continues to solicit advice from her beloved mom concerning both personal and professional concerns.

Photo: Jocelyn Dimaculangan

Aminado si Charice Pempengco na hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng kaba tuwing sasampa siya sa entablado para kumanta.

"Sobra po akong kinakabahan pag nasa backstage. 'Yon talaga 'yong problema ko. Hindi ninyo po ako talaga makakausap before kumanta. Parang ngingiti-ngiti ako pero sa loob ko, mahihimatay yata ako," kuwento ni Charice nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.

Malaking tulong, sabi ni Charice, ang kanyang mga previous experiences upang malabanan ang tinatawag na stage fright.

"Siguro dahil sumasali din ako sa mga singing contests po dati kaya parang nasanay din ako sa iba't ibang crowd, 'yong mga crowd na nabu-bored, 'yong mga crowd na sobra naman kung mag-cheer.... Pag nasa stage na po ako nagfu-focus na lang ako sa songs. Ang tinuro kasi sa akin ni mommy para daw po hindi ko mapansin 'yong audience, parang tinitingan mo sila pero ang utak mo tago... Parang kinakausap mo sila pero naka-focus ka pa din sa songs."

At age 17 ay malayo na talaga ang narating ni Charice, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Maging ang tanyag at highly respected U.S. talk show hosts na sila Ellen DeGeneras at Oprah Winfrey ay napabilib sa boses ni Charice matapos nilang marinig ito nang personal.

Sa ngayon nga ay kinikilala na bilang isang international singing sensation si Charice na bukod sa U.S. ay nakapag-perform na rin ito sa Sweden, South Korea, London, Italy at Netherlands.

LOSING WEIGHT AND GAINING A NEW ROLE. Malaki ang ipinayat ni Charice nang huli itong makausap ng entertainment press last month.

Itinuturong dahilan ni Charice ang kanyang naging hectic na schedule noong panahong nasa States siya para mag-recording. Nakasama rin si Charice sa 10-City North American Tour ng tanyag na songwriter na si David Foster.

May participation din si Charice sa American live-action/CGI comedy film na Alvin and the Chipmunks: The Squeakquel. Kasama din sa Charice sa official soundtrack ng nasabing pelikula na kung saan inawit niya ang Alicia Keys original hit na "No One," kasama ang The Chipettes.

Nakatakdang ipalabas dito sa Pilipinas ang Alvin and the Chipmunks: The Squeakquel itong January 8. Ngayong Enero din maririnig ang unang international single ni Charice na may pamagat na "Pyramid."

"Sa States po ako pumayat actually. Kasi po halos every day akong nagre-recording, 'tapos pictorial. Siyempre po, halos ilang oras din 'yon, 'tapos 'yong mga posing, nakakabali ng katawan," natatawang kuwento ng dalaga.

"'Tapos after ng pictorial diretso pa ng recording studio [to record at least] dalawang kanta. Minsan inaabot na po ako ng madaling araw. 'Tapos, ang mahirap po dun, minsan nalilipasan ako ng gutom kaya late lunch or late dinner."

Bagama't hindi madali ang kanyang naging routine habang nasa States ay sinabi pa rin ni Charice na masaya at overwhelmed siya sa dami ng blessings na dumating sa kanya noong nakaraang taon. Hindi nga naman lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na maipamalas ang kanyang talento sa loob at labas ng bansa.

Proud din si Charice dahil napili siya bilang youth ambassador ng Operation Smile—isang internationally recognized charity organization na ang layunin ay makapagbigay ng libreng operasyon para sa mga batang may kapansanan sa mukha. Pinalitan ni Charice bilang youth ambassador ang Hollywood singer-actress na si Jessica Simpson.

Kasama sa responsibilidad ni Charice ang makakalap ng sapat na pondo para madami pa ang matulungan nilang bata sa iba't ibang panig ng mundo, pangunahin sa India at Africa.