"Wala ka namang choice, e. Tuloy ang buhay. Malungkot nga lang kami. Hindi nga lang kami magiging kagaya noon. Pero tuloy pa rin," says Angelika dela Cruz about moving on after her brother Edward's death. (Photos show some scenes from the wake of Edward last night, June 8.)

Photo: Rose Garcia

"Surviving, kinakaya naman."

Ito ang naging tugon ni Angelika dela Cruz nang kumustahin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at mga TV crew mula sa iba't ibang networks sa ikalawang gabi, June 8, ng burol ng kanyang kapatid na si Edward dela Cruz.

Ito rin ang unang pagkakataon na pinayagan ni Angelika ang media na ma-interview siya at makunan ang burol ng kanyang yumaong kapatid. Pero nakiusap ang aktres na isang interview na lang para sa lahat ng media dahil mahirap nga namang ulit-ulitin ang pagkukuwento tungkol sa malagim na sinapit ng kanyang kapatid.

Nasawi si Edward noong Lunes, June 7, dahil sa isang road mishap na naganap sa NLEX sa bandang San Simon, Pampanga. (CLICK HERE to read related story.)

THE SAD NEWS. Dahil ito nga ang unang pagkakataon na nagsalita si Angelika, kagabi lang nalinawagan ang lahat tungkol sa totoong nangyari kay Edward noong umaga ng Hunyo 7. Ikinuwento ng aktres, na halos wala nang boses, ang pangyayari na ikinasawi ng kanyang kapatid.

"Nagpunta siya ng Pampanga to visit his friend," simula ni Angelika. "Tapos noong pauwi na siya, na-flat-an siya ng gulong sa NLEX. Tapos, nandoon naman ang friend niya, dumating, pati ang highway patrol. Tapos, okey na yung gulong niya, pasakay na lang siya ng kotse nang mahagip siya ng truck."

Pagka-shock at hindi raw makapaniwala ang unang naging reaksiyon ni Angelika nang unang ibalita sa kanya ang nangyari sa kapatid.

"Hindi ako makapaniwala, e. Kasi, Daddy ko [Ernie dela Cruz] ang tumawag sa akin, 6:30 ng umaga. Sabi ko pa nga sa kanya, 'Daddy, ang aga mo naman. Alam mo naman na may taping pa ako, gusto ko pang umidlip.' Tapos sabi niya, 'Hindi, puwede ko bang makausap si Orion [Casareo, husband of Angelika]?'

"Sabi ko, 'Bakit Daddy, anong meron?' Then, sabi niya, 'Anak, may tumawag kasi sa akin. Naaksidente raw si Edward, patay raw.' Siyempre, napabangon na 'ko. Sabi ko sa kanya, 'Saang hospital?' Yung unang ibinigay nilang dalawang hospital, tinawagan ni Orion. Then, nag-ayos na ako just in case kung anuman ang mangyari, pupunta ako. Kung hindi totoo, diretso ako ng taping. Kung totoo naman, siyempre, mag-aasikaso ako.

"So, yung dalawang hospital, tinatanong niya [Orion] kung may dumating na car accident na DOA, wala raw. So, siyempre nabubuhayan ako ng loob, di ba? Tapos, yung third hospital, walang sumasagot. Yung fourth hospital, yun na...yun na yung sinabi niya sa akin na, 'He's gone.'"

THE DRIVER. Nang malaman daw ni Angelika na totoo nga ang impormasyon na natanggap ng kanyang Daddy, mabilis silang pumunta ng asawa niya sa Pampanga. Ang Daddy na raw niya ang nagsabi sa Mommy niya at dalawa pa nilang kapatid ni Edward na sina Erick at Mika.

Inabot na raw ng gabi sa Pampanga sina Angelika at Orion dahil hindi lamang ang katawan ng kapatid ang inasikaso niya kung hindi maging ang pagsasampa ng kaso sa driver ng truck na nakasagasa sa kapatid niya.

"Nakauwi ako sa Malabon from Pampanga, gabi na, e. Inuna ko muna si Edward," banggit pa ni Angelika.

Kinumpirma rin ni Angelika ang naunang report ng PEP na bukod kay Edward ay may iba pang nabangga ang driver ng truck pagkatapos. Pero ang kapatid lang niya ang nasawi.