Regine Velasquez-Alcasid became emotional when she announced to the public that she will leave her primetime series I ♥ You Pare due to health reasons. She will be replaced by Iza Calzado (inset) starting tomorrow, April 11.

Photo: Noel Orsal / GMA-7

Marami ang nag-abang sa "big announcement" ni Regine Velasquez-Alcasid kaninang hapon, April 10, sa Party Pilipinas.

Ang "big announcement" ay hindi ang inaakalang kumpirmasyon sa nababalitang pagbubuntis ng Asia's Songbird, kundi ang pag-alis niya sa pinagbibidahan niyang primetime series sa GMA-7, ang I ♥ You Pare.

Gaya ng naiulat ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Biyernes, April 8, nagdesisyon ang GMA Entertainment Television na ibigay na ang role ni Regine sa show nila ni Dingdong Dantes kay Iza Calzado.

Ito ay alinsunod na rin sa advice ng doktor ni Regine na magpahinga muna siya sa kanyang trabaho dahil sa "severe migraine attacks" niya. (CLICK HERE to read related story.)

Kaya kanina nga sa Party Pilipinas ay pormal nang ipinasa ni Regine ang "trono" kay Iza.

Pero bago ang announcement ni Regine kanina ay kumanta muna siya ng "All My Life." Sa huling bahagi ng kanta ay hindi niya mapigilan ang umiyak kaya itinuloy ng kanyang mister na si Ogie Alcasid ang pag-awit.

Pagkatapos nito ay ipinaalam ni Regine sa publiko ang kanyang pag-alis sa I ♥ You Pare.

Humingi siya ng paumanhin na hindi na niya maitutuloy ang kanyang pagganap bilang Tonette/Tonya dahil sa advice na rin ng kanyang dokor na magpahinga muna dahil sa madalas niyang pagkakasakit nitong mga nakalipas na linggo.

Nagpasalamat din si Regine sa lahat ng bumubuo ng show at sa mga tagasubaybay nito.

Pero nangako naman ang Asia's Songbird na magbabalik siya.

Nagsimula nang mag-taping si Iza para sa I ♥ You Pare kahapon, April 9. Mapapanood ang una niyang labas sa programa bilang Tonette/Tonya bukas, April 11.