Actress Anne Curtis filled the Araneta Coliseum with tens of thousands of fans for her major solo concert, Annebisyosa: No Other Concert, last Saturday night, January 28.

Photo: Melo Balingit

"Dreams do really come true."

Ito ang paulit-ulit na sinabi ni Anne Curtis sa kanyang "first and last" major solo concert noong Sabado ng gabi, January 28, sa Araneta Coliseum—ang Annebisyosa: No Other Concert.

Ayon kay Anne, pangarap talaga niyang magkaroon ng isang solo concert sa isang malaking venue gaya ng Big Dome.

At natupad ito sa kabila ng katotohanang hindi naman siya isang singer.

Noong isang taon ay marami ang nagulat nang magkaroon ng kanyang solo album si Anne sa ilalim ng Viva Records—ang Annebisyosa.

Mas marami ang nagulat nang maging Platinum ang album niya, patunay na marami ang sumasakay sa "ilusyon" ni Anne na maging isang recording artist.

At base sa dami ng taong nagpunta sa Araneta Coliseum noong Sabado ng gabi, sinakyan din nila ang isa pang "ilusyon" ni Anne—ang isang maging concert performer.

Maging si Anne ay sinabing walang mai-expect sa concert niya kundi isang gabi lamang ng katuwaan at "biritan."

Pero hindi alintana ng mga nanood ng concert ni Anne ang kakayahan niya sa pagkanta dahil pinatunayan ng aktres na isa siyang tunay na performer.

Kapansin-pansin sa concert ang kakaibang ganda ni Anne nooong gabing iyon at ang magagarbo niyang kasuotan, courtesy ng kanyang stylist na si Liz Uy.

FOR NON-SINGERS. Eksaktong alas-nuebe ng gabi nagsimula ang tatlong oras na concert ni Anne.

Isang dumadagundong na hiyawan at palakpakan ang sumalubong kay Anne paglabas niya sa isang higanteng mikropono bilang hudyat ng pagsisimula ng kanyang concert.

Sa kanyang opening number ay binanatan agad ni Anne ang mga awitin ni Rihanna na "Only Girl" at "We Found Love" kasama ng G-Force.

Isa uling umaatikabong hiyawan at palakpakan ang ibinigay ng audience pagkatapos ng number ni Anne.