"Ma artista o ordinaryong tao ka, ang importante, masaya ka sa buhay mo. Kung sikat ka, pero hindi ka naman masaya sa buhay mo, kahit marami kang pera, wala din. Mapa  mangingisda ka, magsasaka, artista o titser, hindi importante kung ano narating mo sa buhay. Ang importante kung paano ka nagiging ikaw dito sa mundo at totoo sa sarili mo at paano ka magiging masaya," Melai Cantiveros says about the abstract thing called happiness.

Photo: Noel B. Orsal

Madalas natin siyang nakikita na masaya at nagpapatawa. Simula pa lamang nang mapasok siya sa Bahay ni Kuya at napasama bilang isa sa mga housemates sa Pinoy Big Brother Double-up Edition, kapansin-pansin ang masayahing disposisyon ni Melai.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Melai kamakailan sa set ng upcoming movie niya at ng kasintahan niyang si Jason Francisco titled Pureza. Dito niya ibinunyag ang mga rason kung bakit siya laging masaya, bakit tila wala siyang tinatago, at ang iba pang mga saloobin niya.

WITHOUT INHIBITITIONS. Diretsa ang naging sagot ni Melai sa tanong ng PEP kung bakit tila wala siyang pag-aalangan sa kanyang  pagkilos at pagsagot sa mga tanong.

"Kasi nag-start naman ako sa buhay na normal. 'Tsaka ano naman ang itatago ko. Wala naman ako dapat itago sa mundo. Kung ano yung gusto niyang malaman, di sabihin. 'Tsaka the more na itatago mo, the more na mag-iingay 'yan, e. The more na magkwe-question-question 'yan. Buti pa sagutin mo agad, para wala nang issue.

"'Tsaka yung parang para matapos na agad. Para madali lang ang buhay. Parang kunwari,  'Gutom ka? E, di sabihin mo na gutom ka. 'Tsaka wala naman masama kung sasabihin mo yung totoo," sagot ni Melai.

Isa sa mga hinahangaan at nagugustuhan ng mga fans ng tinaguriang "Prinsesa ng Masa" ay ang pagiging down-to-earth nito.

DOWN-TO-EARTH.Paano nga ba niya napapanatili ang kanyang dalawang paa na nakatapak sa lupa sa kabila ng mga naabot nito?

"Lagi ko kasama yung mga friends ko dati. Hindi ko kasama yung mga bagong friends ko na makakalimutan ko yung sarili ko. Lagi ko kasama yung mga friends ko sa Gen San [General Santos], tapos sinasabi ko sa kanila na sabihan ako na, 'Uy, ikaw baka nagbago ka na.'

"Alam ko talaga na malalaman din nila kung nagbago ako. Yung pakikitungo ko sa kanila dati, hanggang ngayon di pa din nagbago so 'yon. At 'tsaka ano nga, natatakot ako ngayon kasi baka dumating ang panahon na hindi mo na kilala ang sarili mo. Yun ang pinakatatakutan ko talaga," seryosong pahayag ni Melai.

SHOWBIZ BLUES. Tumigil saglit si Melai at nag-isip bago niya sinabi, "Feeling ko din, hindi ako magtatagal sa showbiz kasi mas masarap pa din na mag-enjoy ka sa buhay mo, di ba?"

Pagpapatuloy ng komedyana, "Hindi ko naman pinangarap na maging artista, di ba? Nasuwertehan lang ako nang over-over kasi ang laki ng suweldo!"

"Sobrang pagka-happy ko na ganito. Ang laki talagang opportunity, pero pagka dumating yung time na makaipon ako ng over-over , hindi na ako mag-aartista.

"Masaya ako sa fame pero hindi ka naman forever na happy, e. Baka mamatay na ako next next year, wala pa ako happiness na natanggap sa buhay ko, kaya at least mag-trabaho ako tapos mag-enjoy na ako sa life ko!" bulalas ni Melai.

Kumportable man si Melai sa buhay showbiz sa ngayon, meron pa rin siyang hinahanap na tila kulang sa buhay niya.