Rhian Ramos (left) and Marian Rivera are co-stars in the MMFF entry Panday 2. The two Kapuso actresses are being intrigued because of Rhian's team-up with Marian's boyfriend, Dingdong Dantes, in an upcoming soap.

Photo: Noel Orsal

Sa pictorial ng Panday 2 last Thursday, September 22, sinorpresa ng buong cast ang bida ng pelikula na si Senator Bong Revilla na nagdiriwang ng kanyang kaarawan noong araw na iyon.

Sa gitna ng masayang piktyuran, isang maintrigang eksena ang nakunan ng Showbiz Central—magkatabi at magkaakbay ang leading ladies ng pelikula na sina Marian Rivera at Rhian Ramos.

Nagkabati na ba ang dalawang Kapuso stars na nagkaroon daw ng iringan noon?

Iniintriga kasi ang dalawa dahil makakatambal muli ni Rhian sa isang teleserye si Dingdong Dantes, na boyfriend ni Marian sa tunay na buhay.

Ayon kay Rhian, "Siguro naman makikita na din ng lahat na okay lang. Hindi na sila... siguro naman hindi na katulad ng dati na ano..."

Na may tensiyon?

"Yes," ang sagot ni Rhian sa taped interview sa kanya ng Showbiz Central.

"Walang dahilan para intrigahin pa," dagdag pang sabi ni Rhian.

Nagsimula raw humupa ang tensiyon sa pagitan nina Rhian at Marian sa set ng Panday 2, entry ng GMA Films at Imus Productions para sa Metro Manila Film Festival 2011.

Ayon kay Rhian, "First time ko siyang makatrabaho sa movie na 'to.

"Fun. Isa lang naman yung eksena namin together, pero yung eksena naming yun, na-enjoy ko naman talaga.

"We had a lot of fun kasi ano, e, ang dami-dami din namin sa eksena na yun, pero yung talagang kausap ko sa eksena, si Marian."

Ibang-iba na nga ang ihip ng hangin kumpara noong September 2009 nang inintriga ang unang pagbuwag ng DongYan tandem sa GMA Telebabad, at ipinartner si Dingdong kay Rhian sa top-rating Kapuso adaptation ng Koreanovelang Stairway To Heaven.

Nagselos pa raw si Marian sa balitang niregaluhan daw ni Dingdong ng oatmeal chocolate cake si Rhian nang mag-birthday ang young actress sa set.