Coco Martin on getting plum acting projects: "Ang tagal ko rin namang hinintay ito. Kumbaga, dumaan ako sa pa-extra-extra sa mga indie films, ilang beses na rin naman akong lumabas sa TV, pero hindi pa rin ako napapansin. Ilang beses na rin naman akong ni-reject sa mga projects na hanggang sa audition lang ako. Kaya ngayong andito na ito, e, dapat lang na mag-focus ako rito. At kung anuman yung kaya kong gawin, e, dapat lang na isagad ko na ang serbisyo ko,"

Photo: Noel Orsal

Ipinagmalaki ni Coco Martin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang one-week taping nila ng co-star niyang si Dawn Zulueta sa Italy para sa ilang mahahalagang eksena ng Walang Hanggan.

Bagamat ilang beses na siyang nakapag-abroad, dahil sa indie films niya na nagiging kalahok sa international film festivals, ito raw ang unang beses ni Coco na makarating sa Milan at Rome.

Kuwento ng aktor, "Suwerte ko talaga dahil bukod sa kasama ako ni Ms. Dawn, e, first time kong nakarating sa Rome at Milan.

"Kaya sabi ko, suwerte ko talaga kasi nakapunta ako doon nang libre.

"Binigyan pa rin kami ng dime ng mga Pilipino sa Milan.

"Siyempre, sabik silang makakita ng artista kaya tuwang-tuwa sa amin at binigyan kami ng mga gagastusin daw namin doon.

"Pero hindi ako nakapag-shopping dahil kulang sa oras.

"Ang nakakatuwa lang doon, habang nagsu-shoot kami, halos lahat ng mga location namin, e, libre. Kasi ang mga kababayan natin doon, ang bait-bait sa amin.

"Sila pa mismo ang nagsasabing sa kanila kami magsu-shooting.

"Hindi kagaya dito sa atin na lahat kailangan mong bayaran—yung permit, yung bahay na pagsu-shooting-an... lahat-lahat. Doon libre.

"Pati mga tao doon, nakikipag-cooperate sa amin."

Nakausap ng PEP si Coco sa taping ng Walang Hanggan noong Biyernes, February 17, sa Antipolo.

So, hindi sila nahirapang mag-shooting sa Italy dahil wala na silang kinuhang permit?

Paglilinaw ni Coco, "May mga permit din naman kaming kinuha, pero may mga lugar na hindi na kami kumuha kasi sila mismo ang may gusto na doon kami mag-shoot."

DIFFICULT ROLE. Aminado naman si Coco na medyo nahirapan siya sa role niya sa Walang Hanggan bilang Daniel, isang mabait at pasensiyosong bida.