"Lahat naman po ng project may pressure. Hindi naman kampante dapat. Siyempre, mas nakakadagdag din 'yon ng motivation, 'yong pressure. Pero kampante naman ako sa project na ito and sigurado naman ako sa sarili ko na kakayanin ko," says Kim Chiu about being paired with three new leading men in her upcoming television series Binondo Girl.

Photo: Sany Chua

Sa kanyang pagbabalik-primetime, hindi lamang isa kundi tatlong young actors ang makakapareha ni Kim Chiu sa upcoming ABS-CBN teleserye na Binondo Girl.

Itinuturing ni Kim na isang panibagong hamon ito sa kanyang showbiz career, lalo pa't sa halos lahat ng kanyang mga naging TV project ay kasama niya ang kanyang dating onscreen partner na si Gerald Anderson.

"Challenge para sa akin. Lahat ng series ko, kasama ko si Gerald. Ngayon, kakaibang teleserye," pag-amin ni Kim sa panayam sa kanya matapos ang story conference ng Binondo Girl noong Huwebes, Abril 7, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.

Hindi rin itinanggi ng young actress na karagdagang pressure ang magkaroon ng panibagong kapareha sa bagong teleseryeng kanyang pagbibidahan.

Gayunman, sabi ni Kim, "Lahat naman po ng project may pressure. Hindi naman kampante dapat. Siyempre, mas nakakadagdag din 'yon ng motivation, 'yong pressure. Pero kampante naman ako sa project na ito and sigurado naman ako sa sarili ko na kakayanin ko."

Umaasa rin siya na patuloy pa rin ang suporta ng mga naging tagahanga ng team-up nila ni Gerald, ang grupong mas kilala sa pangalang Kimeralds.

Ani Kim, "Siyempre, inaasahan ko pa rin sila and alam ko namang hindi nila ako pababayaan."


REUNIONS. Sa Binondo Girl, makakasama ni Kim sina Jolo Revilla, Xian Lim, at Matteo Guidicelli. Sa kanilang tatlo, si Jolo ang first time na makakatrabaho ni Kim.

Sa kabila nito, naniniwala si Kim na, "Magiging pamilya kami sa taping, magtutulungan."

Nakasama na ni Kim noon si Xian sa ilang episode ng Minsan Lang Kita Iibigin, samatalang si Matteo naman ay nakapareha na niya sa isang episode ng Sunday drama series niya noon na Your Song Presents Kim.

Muli ring makakatrabaho ni Kim ang mga batikang aktres na sina Cherry Pie Picache, na nakasama niya sa Tayong Dalawa; at si Ai-Ai delas Alas na nakasama niya sa Your Song Presents Maling Akala.

Sa kabuuan, inaasahan ni Kim na magiging maayos ang pagtanggap ng mga manonood sa Binondo Girl.

"Exciting at challenging na bumalik sa primetime kasi talagang nami-miss ko na 'yon and 'yong nakikita mo 'yong sarili mo gabi-gabi. Nakaka-miss, nakaka-excite," masayang pahayag ni Kim.

Sa kasalukuyan ay nasa U.S. si Kim kasama ang iba pang talents ng Star Magic para sa concert tour nila roon. Pero muntik nang hindi makasama sa grupo ang young actress dahil nanakaw ang passport niya sa mismong airport. Mabuti na lang at na-recover ito ngunit wala na ang passport holder niya na napagkamalang wallet.