AGB Nielsen Media Reseach plans to talk privately with ABS-CBN to resolve the issue about the alleged anomaly in TV ratings. Photo: Design by Victor Abenes

Sa pagkaka-dismiss ng kaso ng ABS-CBN laban sa AGB Nielsen Media Research ukol sa diumano'y dayaan ng ratings, nagpahayag ang survey firm na makikipag-usap ito sa pamunuan ng Kapamilya network upang maresolba na ang isyu sa pagitan nila.

Sa panayam ng Saksi sa abogado ng AGB Nielsen na si Atty. Francisco Rivera, sinabi niya na: "We would be inviting ABS-CBN to really discuss this matter with us in the hope that we would no longer be involving the courts in resolving this matter."

Kahapon, January 7, ay nagdesisyon si Judge Charito Gonzales ng Quezon City Regional Trial Court na i-dismiss ang kaso na isinampa ng ABS-CBN laban sa AGB Nielsen noong December 14 dahil wala raw sa tamang panahon ang pagsasampa nito.

Gayundin, kinatigan ng korte ang AGB Nielsen sa paglalahad nito na nakasaad sa kanilang kontrata na kung may kuwestiyon ang ABS-CBN sa ratings, may isang buwan ang AGB Nielsen upang magbigay ng paliwanag ukol dito. May karagdagang tatlong buwan din upang mag-usap ang magkabilang panig nang hindi isinasapubliko.

Paliwanag ni Atty. Rivera, "The filing of the case is premature and ABS-CBN should have first afforded our client the opportunity to come up with their written explanation and afterwards, discuss it among themselves. That's the step that's required under the agreement that the court intervention, early on, is entirely unjustifiable."

Sa kabilang banda, nilinaw naman ng chief legal consel ng ABS-CBN na si Atty. Maximilian Uy na sinunod nila ang 30 araw na nakasaad sa kanilang kontrata. Hindi lamang nagkaroon ng paglilinaw nang mag-usap ang dalawang partido matapos ang unang kundisyong ito.

Ayon kay Atty. Uy, "May pinag-uusapan doon na may 30 araw na sumagot ang AGB sa sulat ng ABS-CBN. Ito naman sinagot ng AGB. So yung unang bahagi ng kundisyon ng kontrata, e, nasunod na. Yung tungkol sa 90 araw na maaaring mag-usap ang mga partido, hindi nakapag-usap in good faith."

Samantala, binigyan naman ng QC RTC Branch 92 ng labing-limang araw ang mga opisyales at empleyado ng ABS-CBN na kinasuhan ng GMA network hinggil pa rin sa anomalya diumano sa ratings.

Pinaalalahanan din ng korte ang mga nakasuhan na iwasan ang pagsasampa ng motion to dismiss, sa halip ay sagutin na lamang ang mga alegasyon sa kanila.

Matatandaan na lumabas sa ilang ulat ng ABS-CBN na inamin diumano ng General Manager ng AGB Nielsen na si Maya Reforma na ang GMA-7 ang nasa likod ng anomalya sa ratings sa Bacolod. Nirereklamo rin ng GMA network ang diumano'y pagputol at pagbaluktot ng ABS-CBN sa mga pahayag ni Reforma upang mapalabas na itinuro niya ang GMA network na sangkot sa pandaraya sa TV ratings.