"Ipapakita ko lang sa kanya... na malinis ang intension ko sa kanya and it's all up to Gee-Ann naman po," says Bodie Cruz (right) about the possibility that Mickey Perz (left) will also court Gee-Ann Abrahan (middle). Photo: Noel Orsal


Dibdiban na ang labanan ng ex-housemates ng Pinoy Big Brother Season 2 na sina Bodie Cruz at Mickey Perz sa puso ni Gee-Ann Abrahan. Inamin ni Bodie na puspusan na ang ginagawa niyang panliligaw kay Gee-Ann sa presscon ng bago nilang show sa ABS-CBN, ang episode na pinamagatang "Bumalaka, Bulalalkaw, Boom!" para sa Love Spell na magsisimula na sa August 19 bago mag-ASAP ‘07.



"Lagi ko naman sinasabi noon that I really like Gee-Ann. And I think, this is the time para i-express ko sa kanya ‘yung nararamdaman ko," sabi ni Bodie nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Love Spell.



Hindi ba siya nate-threaten kay Mickey kung sakaling ligawan din nito si Gee-Ann?



"Ay, siyempre, di ba, kahit papano naman po threat ‘yon kasi kung papasok siya, mahahati ang atensiyon, ganun. Pero kasama naman lahat ‘yon sa panliligaw and stuff. So I think ipapakita ko lang sa kanya ang intentions ko, na malinis ang intension ko sa kanya and it's all up to Gee-Ann naman po," pahayag ng panganay na anak ni Tirso Cruz III.



Hindi rin itinatanggi ni Bodie na never pa siyang nagkaroon ng girlfriend. Kaya nga raw masuwerte si Gee-Ann kay Bodie kung sakaling sagutin ng dalaga ang binata.



"Suwerte rin naman po ako sa kanya pag nagkataon," sabi naman ni Bodie.



SELF-PRESERVATION.
Ayon kay Bodie, inilalaan daw niya ang kanyang pagkalalaki sa babaeng tunay niyang mamahalain kaya hanggang ngayon ay "virgin" pa rin daw siya.



"Opo," pag-amin niya. "Iyon nga po ang paniniwala ko talaga na it is something for married people lang po."



Paano niya nagawa na i-preserve ‘yon lalo na sa panahong ito na napaka-liberated na karamihan sa mga kabataan?



"Depende na lang po sa relationship n'yo sa Diyos," sagot niya.



Si Gee-Ann din ba ang kauna-unahang niligawan niya?



"Hindi, kasi sa high school meron din naman kahit papaano. But I did not consider that as a relationship naman kasi. It was really nothing serious naman po," kuwento ni Bodie.



Base sa body movements nina Gee-Ann at Mickey sa presscon ng Lovespell, kitang-kita na mas palagay si Gee-Ann kay Mickey kesa kay Bodie. Ano ang masasabi ni Bodie rito?



"Hindi naman po," pagtanggi niya. " Siguro nauna lang na maging close friends sila. Iba naman po 'yung level of friendship.... Baka naiilang lang!" sabay tawa ni Bodie.



Ano sa tingin niya ang edge niya kay Mickey?



"Hindi ko kasi masabi talaga ngayon ang edge ko sa kanya. Pero napapakita ko ang malinis na intention ko for Gee-Ann. Kumbaga, lahat naman ng paghihirap, willing akong gawin," sabi niya.



Ano ang mararamdaman niya kung hindi siya sagutin ni Gee-Ann?



"Nasa kanya naman lahat ‘yon. It's all up to her decision naman. Kung hindi, e, di ganu'n po talaga."



HIS FATHER'S SON.
Samantala, kasama rin sa episode nila sa Lovespell ang ama ni Bodie na si Tirso Cruz III.



"Hindi pa kami nagkakaeksena ni Daddy," aniya. "Pero ‘yung mga eksena namin dito, puro confrontation. Pinapagalitan niya ako parati. Exciting naman po. Kumbaga, magsisigawan kami dito.



"So, okay naman po. Ready ako. Supportive naman ang Daddy ko. Kinakabahan din ako na makaeksena siya, pero natutuwa rin ako kahit paano na magkasama kami sa isang project."



May pressure ba being the son of Tirso Cruz III?



"Sinabi ko naman po na imposible naman na maabot ko ‘yung naabot ng Dad ko. Sabi ko nga, maabot ko kahit kalahati man lang nun, it's really a big accomplishment na po talaga. May pressure pero hindi ko muna pino-focus doon. I just enjoy what I'm doing po. Very supportive naman po siya," pagtatapos ni Bodie.