Whenever the name Miguel Vera is mentioned, we remember his Tagalog hit songs "Nais Ko" and "Narito Ang Puso Ko." We remember that at one point, he became a TV actor. And of course, we remember that he was once married to comedienne Ai-Ai delas Alas. Photo: Pilar Mateo

 

Patuloy pa rin nating naririnig sa videoke ang mga awiting kanyang pinasikat. Paminsan-minsan, naririnig nating binabanggit ang pangalan niya ng comedienne na si Ai-Ai delas Alas. Matagal talagang nawala sa sirkulasyon si Miguel Vera.

 

At nang nagkaroon ng pagkakataon na makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang farewell show na pinamagatang Unplugged sa The Library, Malate, noong May 1—lahat ng mga katanungang hindi itinanong sa kanya noon ay ibinato.

 

Bakit bigla kang nawala?

"Ang tingin ko that time, wala ng buhay dito, e, hindi lang para sa sarili ko, kundi sa industriya na kabilang ako bilang isang musikero. Buti sana kung ang pagtingin ko lang sa trabaho ko, e, para lang kumita nang kumita ng pera. Buti sana kung ang ginagawa mo, e, trabahong para sa pera lang. Naiba, e. Kaya, huwag na lang.

 

"Naisip ko rin na baka ‘yun din naman ang maging daan para sa isang panibagong buhay. Syempre, isang main reason e, ang family ko."

 

Saan siya nagpunta?

"I left noong June 28, 2005. I went to the U.S. as a tourist. And before matapos ‘yung time kung hanggang kelan lang ako puwedeng mag-stay there, nag-apply na ako ng visa para sa mga may extraordinary talent o extraordinary ability at naaprubahan naman kaagad ‘yon. So, six months akong tourist.

 

"And through the help of my lawyer, Atty. Jemella Nettles, after eight months na nag-apply ako nung visa na ‘yon, naging green card holder na ako."

 

Bakit naman siya nagbalik?

"I'm here now for a vacation. Dahil habang pino-proseso naman ang papers ko for my green card, in-apply ko na rin para i-petition ang family ko. So, inaayos na ang mga papers nila.

 

(His family includes wife Cristine, who works at BPI Don Antonio Branch, and three kids—Micky Boy, 14, Darianne, 12 and Patricia or Patchot, 7.)


"And one more thing din, nag-attend din ako ng graduation ni Sancho [Vito—ang panganay ni Ai-Ai delas Alas, na kinilala si Miguel bilang tatay niya]. At siyempre, para sa dalawang bagets namin ni Ai-Ai na sina Sean Nicolo and Sofia," sagot ng dating asawa ng komedyanang si Ai-Ai.

 

Sa simula ng kanyang pamamalagi sa Amerika, Miguel stayed with his kababata, si Pat Miller sa Anaheim, California. Ang best friend niyang si Pat din ang tumulong sa kanyang makita at makilala ang iba pang mga Pilipinong producers. Hindi naglaon ay kinuha na nila si Miguel para gumawa ng sari-saring shows.


Naikot na ni Miguel ang New York, San Francisco, at Los Angeles dahil sa kanyang mga shows. And on June 2, 2007, magsasama sila ni Dessa sa isang special show sa Moreno Valley.

 

Paano siya nakatagal sa bayan ni Uncle Sam?

"Mahirap talaga sa simula pero kailangan kong gawin. The last appearance ko sa TV was in Spirits [2004]. Tapos, sumasalang pa rin naman ako sa mga gigs that time. And si Mamu [Andrew de Real, The Library's owner] nga, nung magbukas siya ng acoustic bar sa Morato, ‘yung Naughty Strings, noon naiisip na namin ‘yung pagre-revive na ng mga kantang luma.

 

"Kaya nung time na malaman ko na pumunta ng Amerika si Mamu, nung nandoon na ako, tinawagan ko siya nung nasa San Francisco ako. Sabi niya, nasa Wedge Bar siya at dinadalaw niya ang artist ng The Library na si Rey Kilay.

 

"Nagbuhos lang ako ng sama ng loob ko kay Mamu. Hindi ba ganoon naman ang mararamdaman ko kapag nasa isang malayong lugar ka 'tapos makakakita ka ng kababayan mo.      

 

"Lahat na ‘ata ng emosyon, masasabi mo na sa kanya. Pinakamahirap na pakiramdam talaga ‘yung mawalay ka sa mga mahal mo sa buhay, 'yun ang una kong inihinga sa kanya—yung hindi ko nakikita ang mga anak ko. Nakakatuwa nga si Mamu, binigyan pa ako ng pera. Ilang months pa lang ako kasi doon. So, inirekomenda naman niya ako sa mga kakilala niya rin sa San Francisco na may mga bars kaya kumanta rin ako sa mga ‘yon."

 

Kumusta naman sila ni Ai-Ai?

"When it comes sa mga decisions sa mga anak namin, pinag-uusapan naming lahat ni Ai-Ai. Nasabi rin niya sa akin na meron sana siyang ganoong plano [pasunurin sa U.S. ang mga bata]. Pero ‘yung mga anak lang namin ang makukuha ko, maiiwan si Sancho. And hindi ko rin naman maaatim na hindi naman nila kasama si Sancho kung sakali."

 

Gaano siya kalapit kay Sancho at sa mga anak nila ni Ai-Ai na sina Nicolo at Sofia?

"Nung umuwi ako rito, wala kaming ginawa kundi mag-bonding nang mag-bonding. Swimming kami nang swimming at saka, nag-uusap kami palagi, lalo na si Sancho na binata na ngayon. Naiintindihan ko naman ang feelings niya dahil he's longing for the love of a father.

 

"Sa telepono lang, ang dalas naming mag-usap niyan. Alam mo na, father and son talk, lalo ngayon na may girlfriend na, pati girlfriend niya nagte-text sa akin. And ‘yung dalawang maliit naman, I'm so proud of them. And of course si Ailyn [Ai-Ai's real name], dahil matino niyang napalaki ang mga anak namin..."

 

Nagibigay ba siya ng suporta kay Ai-Ai?

"Kung meron, oo. Mahirap namang magbigay ng sustento na wala ka namang ibibigay. At hindi naman ako dine-demand ni Ailyn na magbigay regularly. Importante ‘yung guidance din ng mga bata, mula sa akin. Iba na ang takbo ng mundo ngayon. Ang mga kabataan, iba na mag-isip. Hindi na sila basta mako-kontrol kaya kailangan lagi silang kinakausap, pinaaalalahanan, lalo pa ngayon na malayo na ako," sagot ni Miguel.

 

Masaya na malungkot ang kanyang show. Nagsidalo ang mga batch mates nito sa St. Catherine's (Taytay), mga dati niyang kasama sa Tanghalang Pilipino ng CCP, pati na rin ang ilang nakasama niya sa Miss Saigon. Maging ang tennis mates niya at si Freddie Saturno, ang composer sa ilang kantang ginawa niya, ay nakapunta.

 

"Nakakataba ng puso itong gabing ito. Siguro, after five years I will be back. At sa panibagong buhay naman na tinatahak ko ngayon sa Amerika, ipagpapatuloy ko pa rin ang pagmamahal ko sa musika at makatulong din sa ibang kababayan natin. Two years pa lang ako doon, and singing is still my full-time job," ang pahayag ni Miguel sa pagdating ng mga taong naging bahagi ng kanyang buhay.

 

Looking back, masasabi ba ni Miguel na malaki ang kanyang pagbabago. In the not so distant past, naging ‘pasaway' din bilang artist ang isang gaya niya.

 

"Ganoon pa rin naman ako. Kung ano ‘yung gusto ko, ‘yun pa rin ang gagawin ko. Kaya lang this time, mas more on sa realidad na ako. Na kung may ipipilit ako at hindi naman puwede, hindi ko na ipipilit. Ang tanong ko na lagi, e, kung puwede ba o imposible? Bagay pa ba sa edad ko o huwag na lang? Ngayon, mas nasa huwag na lang kumplikahin ang buhay," paliwanag niya.

 

The people kept on shouting for more nang magpaalam siya with his last song, kasama ang kanyang Capo Band. At siyempre, hindi ako pumayag na hindi niya kantahin ang nilapatan ng titik at musika ni Vincent de Jesus na "Ako Lang Ang Nagmahal" (na ini-record na ni Deejay Durano sa kanyang first album), noong gabing iyon.

 

Dapat sana, e, napasama ito sa album ni Miguel noon, but for some reasons, hindi natuloy. And as always, Miguel is the only one who can give soul to the song that even Asia's Songbird Regine Velasquez was pining to record. Why? Listen to the lyrics!