Walang kaso kay Angel Locsin kung hindi natuloy si Dina Bonnevie na gumanap bilang ina niya sa Mano Po 5: Gua Ai Di at ang role ni Yolanda Kho ay napunta kay Lorna Tolentino.
Tsika sa amin ni Angel sa set ng MP5 sa Scenema Concept studio sa Pasig, nagkausap na sila ni Dina nang tawagan siya nito para mag-sorry na hindi natuloy ang pagtatrabaho nila sa pelikula.
Nagdayalog noon si Ms. D. na kaya nito tinanggap ang role ay dahil kay Angel, na nobya ng anak nitong si Oyo Sotto. Nakaisang shooting day na si Dina pero napalitan ito ni Ms. LT due to health reasons.
Sey ni Angel, siya ang nahiya sa pagsu-sorry sa kanya ng madir ni Oyo. Sinabi niya ritong naiintindihan niya ang nangyari at marami pang ibang pagkakataon para magkatrabaho sila.
Isa pa ay madalas silang nagkikita at alam niyang mas importanteng asikasuhin muna ni Ms. D. ang health nito.
***
Nagsimula nang mag-taping sina Angel at Robin Padilla para sa action-adventure series nila sa GMA na Asian Treasures.
Kuwento ni Angel, exciting ang first taping day nila together kahit nakapapagod dahil mula umaga hanggang gabi ay nagpa-fight scenes sila ni Robin.
Ang haba ng eksenang naglalabanan sila at naghahampasan ng kendo stick. Sa simula kasi ng istorya ay mag-aaway sila pero kapagkuwan ay magiging magkakampi.
Medyo naiilang siya kay Robin dahil gusto nito ay totohanang hampas at ayaw ng kunwari-kunwarian lang.
Lumabas ang pagka-gentleman ni Robin nang tamaan ng siko nito ang binti ni Angel sa fight scene nila na sinisipa ng dalaga si Binoe.
Nag-panic ito at panay ang sorry at nagpahanap agad ng yelo para itapal sa nagkapasang binti ng kapareha.
Ani Angel, hindi ito kasalanan ni Robin dahil napababa lang ang sipa niya kaya tumama ang binti niya sa siko nito.
Dahil ayaw niyang pumayag na magpa-double, nagpa-panic si Robin kapag medyo nasasaktan siya sa mga eksena nila. Inaasahan na ni Angel na maiintriga sila ni Robin pero trabaho lang daw ang ginagawa nila at malaki ang tiwala sa kanya ng nobyo niyang si Oyo.
Aniya, may asawang tao si Robin kaya hindi sila dapat intrigahin. Isang malutong na ‘Kuya Binoe’ ang tawag dito ni Angel. Baka Enero raw sila magsimulang mag-shoot sa iba’t ibang Asian countries.
After Mano Po 5 ay nakatakdang gawin ni Angel ang Valentine movie nila ni Richard Gutierrez na inspired ng Hihintayin Kita Sa Langit (1991 romantic-drama nina Richard Gomez at Dawn Zulueta) na ididirehe ni Mike Tuviera.
http://www.abante-tonite.com/issue/dec0306/main.htm