Pinapalabas na pala sa isang music channel sa Germany ang music video ng young actor na si Mark Herras na "Pump It, Rock It."
Sa naturang music video ay isinasayaw ni Mark ang bagong dance step called Crazy Pipe na hango sa kanyang bagong dance album sa ilalim ng Universal Records. Ito ang naging signature dance ng bagong batch ng StarStruck The Next Level.
Sa dami raw ng local music videos na isinumite sa naturang music channel sa Germany, isa raw ang music video ni Mark ang nagustuhan nila dahil kakaiba raw ang appeal nito.
Nakatanggap na ng Gold Record Award ang ikalawang dance album na ito ng StarStruck 1 Ultimate Male Survivor. Mabentang-mabenta nga raw ito lalo na noong nakaraang Pasko at Bagong Taon dahil paboritong patugtugin sa mga Christmas parties at iba pang kasiyahan.
Hindi raw magugulat ang Universal Records kung makaabot ng Platinum ang second dance album ni Mark. Yung unang dance album niya ay nag-double Platinum last year.
Ang nag-choreograph ng Crazy Pipe ay walang iba kundi ang anak ni Geleen Eugenio na si Miggy Eugenio. May special participation din si Miggy at si Marky Cielo sa music video na "Pump It, Rock It" ni Mark.
