Kahit medyo late dumating ang Megastar na si Sharon Cuneta sa press con ng kanyang pre-Valentine concert na My Mega Valentine 2 kagabi, January 25, sa Ballroom D ng Crowne Plaza, ay sulit naman dahil isang tanong lang sa kanya ay ang dami nang makukuhang sagot.
Nagkuwento muna ang Megastar tungkol sa kanyang concert.
"Very special guests ko rito ang all-time favorite kong Apo Hiking Society at, for the first time, makakasama ko ang Concert Queen na si Pops Fernandez. This will be a totally different show kesa My Mega Valentine concert ko last year, dahil kakanta kami ng mga new songs, new medleys," excited na sabi ni Sharon.
"I'm glad na pumayag si Pops na mag-guest sa concert ko dahil halos magkasabay kami noon sa International School. I saw Pops growing up. Very shy kasi siya noon kaya nagulat ako nang mag-artista na rin siya. I'd love to sing with her on stage," pahayag niya tungkol sa Concert Queen.
"Louie Ocampo will be my musical director and stage director is Tito Johnny Manahan. TF [Tita Fanny Serrano] will do my hair and make-up while Paul Cabral will take care of my wardrobe," patuloy niya.
TWO MOVIES THIS YEAR. Kung last year ay two nights ang concert ni Sharon, this year ay isang gabi lang siya mapapanood. Nang tanungin kung bakit one-night lang ang concert niya this year, idinahilan ni Sharon ang napaka-hectic na schedule niya this year.
Aniya, "Nagsimula na kasi akong mag-shooting ng movie ko for Star Cinema na idinidirek ni Chito Roño. Kailangan naming tapusin ang mga eksena rito bago kami magpunta ng London for three weeks."
Patuloy ni Sharon, "May dalawa pa rin akong gagawing movies this year. ‘Yong isa with Unitel Pictures, na baka may out of the country rin pero baka Asia or U.S. naman. Ang isa pa is for GMA Films, na isang Palanca-winner ang story. Si Richard Gutierrez ang makakatambal ko. Inaayos na nila ang script at 99 percent sure na itong matutuloy."
Dagdag pa niya, "Hopefully, matuloy na rin ang movie namin ni Aga Muhlach. Gusto ko pa ring makatambal ulit sina Christopher de Leon, Richard Gomez, and Robin Padilla. Then, may inihahanda pa ring provincial tour sa akin this year ang Artists House [producer ng My Mega Valentine 2]. May inaayos nang schedule sa Laoag, Bohol, and Davao."
Hindi ba tuloy ang napabalitang pelikula na gagawin niya with Piolo Pascual and Sam Milby?
"I'd love to, mga mahal ko ‘yan. Tawag ko nga kay Piolo ay ‘my husband' at tawag ko kay Sam, ‘my son.' Hindi pa siguro ngayon dahil pareho rin silang busy," sagot ng Megastar.
REMAKES OF SHARON MOVIES. Balita ring ire-remake ang first movie niyang Dear Heart (1981) kaya hiningi namin ang kanyang reaksiyon tungkol dito. Hindi nagkaila si Sharon na nasaktan siya talaga nang malaman niyang gagawin muli ito, ‘tulad din nang gawing teleserye ng ABS-CBN ang Bituing Walang Ningning. Incidentally, si Sarah Geronimo ang bida sa parehong remakes.
"Parehong sacred sa akin ang dalawang movies. Ewan ko kung alam ninyo na nang unang i-offer ni Direk Danny Zialcita sa daddy ko [the late Pasay Mayor Pablo Cuneta] ang Dear Heart, sinabi niyang kung hindi ako papayagang gawin ang movie, isi-shelve na niya ito forever. Para sa akin lang daw kasi yung movie," kuwento ni Sharon.
"Kung wala ang Dear Heart, hindi ko mami-meet si Gabby Concepcion at wala ring KC Concepcion. Kaya sabi ko nga, kung hindi ka kamukha nina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta, wala kang karapatang gawin ang Dear Heart!" biro pa niya.
"Hinahanap ko nga kung kanino ko pwedeng bilhin ang master copy ng Dear Heart. Kahit ipagpagawa ko pa ito ng sariling library na may aircon para lang maalagaan ito. Pero wala na si Ernie Rojas, 'yong executive producer ng Sining Silangan. He died na last year. Ang nasa isip ko na lang, you will not remake something if it is not great," paliwanag niya.
Tinanong ni Sharon kung sino ang gaganap sa roles nila ni Gabby sa Dear Heart. Nang malaman niyang sina Sarah at John Lloyd Cruz, sinabi niya na mahal niya pareho ang dalawang young stars.
"Nang ipagpaalam nila sa akin na gagawing teleserye ang Bituing Walang Ningning [1985], hindi ko ipinahalatang nagdamdam ako. Pero kung nalaman pala nila, hindi nila itutuloy. Pero okay lang naman sa akin dahil hindi naman ako ang producer ng movie," sabi ni Sharon.
"Tsaka sinabi nilang ililihis nila nang konti ang story. Ginawa naman nila at natuwa rin ako dahil nakilala na sa pag-arte si Sarah. Hindi ko rin kasi malilimutan ang Bituing Walang Ningning dahil heavy na ako kay KC noon, nagsu-shooting pa rin ako ng movie," aniya pa.