Isa na namang parangal ang nakamit ng Thy Womb isang araw bago ganapin ang awards night ng 69th Venice International Film Festival. Ginawaran ang direktor ng pelikula na si Brillante Mendoza ng La Navicella Venezia Cinema Award, isang special award mula sa Rivista del Cinematografo.

Photo: Courtesy of Santie Mayrina

Isa na namang parangal ang nakamit ng Filipino film na Thy Womb (Sinapupunan) kaugnay ng isinasagawang 69th Venice International Film Festival sa Italy.

Ang direktor ng pelikula na si Brillante "Dante" Mendoza ay ginawaran ng La Navicella Venezia Cinema Award ng Rivista del Cinematografo.

Isa itong special award na iginagawad sa mga kalahok sa film festival.

Ang parangal na ito kay Mendoza ay nakamit niya isang araw pagkatapos magwagi ni Nora Aunor, ang lead actress ng Thy Womb, ng Bisato d' Oro Award mula sa isang grupo ng film critics sa Italy.

Ang Thy Womb ay isa sa labinwalong pelikula na nasa Main Competition ng 69th Venice International Film Festival.

Bukas ng madaling-araw, September 9—September 8 ng gabi sa Italy—gaganapin ang opisyal na awarding ceremonies.

Dito ihahayag ang mananalo ng Golden Lion Award for Best Picture, Volpi Cup for Best Actress, at iba pang special awards.

Sinasabing malakas ang laban nina Direk Brillante at Nora kaya umaasa ang marami sa mga tagasuporta nila, pati na ng ating mga kababayan, na makamit nila ang mga parangal na ito.