Paolo Rivera (left) and Coco Martin (right) topbill Adolf Alix Jr.'s indie film Daybreak. Original VCD copies of Daybreak are now available courtesy of Videoflick Production. Photo: File photo

Videoflick Production has released its VCD of the record-breaking indie movie Daybreak.

 

Pinagbibidahan nina Coco Martin at Paolo Rivera, ang Daybreak ay ipinalabas sa Robinsons Galleria IndieSine at tumabo ito sa takilya at nagkaroon pa ng extended run.

 

Pinag-usapan ng husto ang naturang pelikula dahil sa kakaibang storyline nito at dahil na rin sa istilo ng direktor na si Adolf Alix Jr. Pati ang mga miyembro ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay nagustuhan ito kaya naman pinayagan itong ipalabas sa sinehan "without cuts" sa rating na R-18.

 

Pinuri ng members ng MTRCB na sina Jackie Aquino, writer Marra Pl. Lanot at film professor na si Fr. Nick Cruz ang acting nina Coco at Paolo, ang cinematography, at kung paano idinirehe ni Adolf ang buong pelikula lalong-lalo na ang mga sex scenes. Ito ay ilan lamang sa mga pagpapatunay kung gaano kaganda ang Daybreak.

 

Ang Daybreak ay istorya ng dalawang lalake na umibig sa isa't isa ngunit sa kanilang muling pagkikita pagkalipas ng ilang taon ay kailangang magdesisyon kung itutuloy nila ang kanilang relasyon o magkaka-kanya na sila ng landas.

 

Gumanap na JP, isang boatman sa Tagaytay, si Coco at si William naman ang papel na ginampanan ni Paolo. Ipinakita sa pelikulang ito ng karakter nina Coco at Paolo ang isang aspeto sa pakikipagrelasyon sa kapwa lalake.

 

Hindi ito tipikal na gay love story dahil komplikadong situwasyon ang inilahad ng pelikula mula sa screenplay ni Charliebebs Gohetia at script nina direk Adolf at Noel Ferer na siyang nag-produce ng Daybreak.

 

Proud na proud si Coco sa pelikulang ito, lalo na nang malaman niyang marami ang nakapanood nito.

 

"Pinaghirapan talaga namin ang movie na ‘to. Hindi kami nagbilang kung ilan shooting days na kami na kadalasa'y ginagawa ng mga indie films dahil sa limitado ang budget. Ang nasa isip nami'y mapaganda ang pelikula. Kahit yung mga love scenes, hindi namin dinaya ni Paolo," paliwanag ni Coco.

 

Ang VCD release ng Daybreak (tampok ang larawan ng sikat na photographer na si Jay Javier sa cover) ay siguradong magiging matagumpay din tulad ng theater run nito. Isa itong collector's item para sa mahihilig sa ganitong klaseng pelikula.

 

Incidentally, ini-release din ng Videoflick ang iba pang videos ni Coco Martin, tulad ng pelikulang Condo na idinirek ni Martin Cabrera at ang Buddy Buddies: The Body Circuit Workout kung saan kasama ni Coco ang grupong The Studs na binubuo nina Mike Tan, JC Cuadrado, Dion Ignacio, Felix Roco, at Edgar Allan Guzman.