Matindi ang passion ni Governor ER Ejercito kung pag-atake sa mga ginagampanan niyang character sa pelikula ang pag-uusapan. At ipinagpapasalamat naman niya ito na kapag napupuri at nabibigyang recognition ang kanyang pagiging actor.

      

Last year, sa pelikulang Manila Kingpin, The Asiong Salonga Story, sinuwerteng nanalo siya ng best actor trophies mula sa Gawad Pasado at Star Awards. 

Ngayon, hindi maiwasang mataas ang expectation sa kanya para sa Metro Manila Film Festival 2012 entry niya na El Presidente.

       

Nakausap si ER ng  PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kagabi, Sunday, November 18, nang dumalo siya bilang isa sa mga presenters   ng 26th PMPC Star Awards For Television at tinanong kung nakakaramdam ba siya ng pressure?

       

“Bawat role naman, e, iba-iba ang character,” aniya. 

“Iba-iba ang atake ko. Iba-iba ang improvisation na ginagawa ko. 

       

“Ibang magsalita. Ibang kumilos. Ibang gumalaw. Ibang manamit. Kaya challenge ang bawat pelikula.

       

“Kagaya sa Asiong Salonga, gangster film ‘yon.  Ito namang El Presidente, istorya ng presidente. 

“Kaya baka next year, gumawa ako ng itorya ng isang preacher naman.

       

“Dream role ko kasi ‘yong Felix Manalo story,” pagtukoy niya sa founder ng relihiyong Iglesia Ni Cristo.

       

 

WORKING WITH NORA AUNOR. Si Nora Aunor ang kanyang leading lady sa El Presidente. Ginagampanan nito ang role bilang second wife ni Emilio Aguinaldo na siyang character ni Governor ER.

       

“It’s an honor for me to work with the Superstar. 

       

“At puro awardee ang mga nakasama ko. Kasama ko si Cesar Montano who plays Andres Bonifacio. Kasama ko rin si Christopher de Leon who plays General Luna.

        

“Maraming award-winning actors ang nasa cast ng pelikula. Kaya maganda na pare-pareho kaming mga awardees na nagsama-sama sa isang pelikula. Isang malaking karangalan.”

       

Ipinapalabas na sa TV at mga sinehan ang trailer ng El Presidente. Bukod sa star studded ito, kapansin-pansin ang grandiyosong production design ng pelikula na talagang ginastusan nang husto.

       

“Malaki ang ginastos ng Viva Films at ng Scenema Concept.  Pati na rin ng CMB at ng Film Development Council. Kasosyo rin ang San Miguel Corporation ni Mr. Ramon Ang,” kuwento niya.

        

“Marami pong magkaka-partner sa pelikulang ito, kaya hindi nagtipid.

       

“Ayon sa mga producers ko, 130 million pesos na ang inaabot ng production cost ng El Presidente. Ito na yata ang pinakamalaki at pinakamagastos na pelikulang Pilipino.”

        

KISSING THE SUPERSTAR. Sa wedding scene nila ni Nora, may kissing scene pala sila at isa ‘yon sa mga tagpong kasama sa ipinapalabas sa trailer ng pelikula.

        

“Opo. Siyempre kapag may kasal, may kissing scene.”

        

Ano ang naging feeling niya nang kunan ang kissing scene na iyon?  Kinabahan ba siya?

        

“Hindi naman. E, sanay naman po tayo sa mga ganyang kissing scene.”

        

Ipinagpaalam na raw sa kanya ni Nora na sa MMFF parade ay sa float ng Thy Womb sasakay ang Superstar. 

        

“Walang problema kasi bida si ma’am Nora do’n sa Thy Womb, e. Kaya nararapat lamang na doon siya sumakay.”

        

May mga nagsasabing posibleng dalawang award ang makuha ni Nora sa MMFF. Isang Best actress throphy para sa Thy Womb at best supporting actress award para sa El Presidente

        

Pero sinasabi ng Superstar na mas excited siya sa best supporting actress.

        

“Kasi for the first time lang niyang manu-nominate o mananalo ng best supporting actress,” reaksiyon ni Governor ER.

         

“Sa palagay ko, mananalo naman siyang best supporting actress sa El Presidente kasi maganda ang role niya. 

"At malalim talagang umakting si ma’am Nora. Mata pa lang, nagsasalita na, e.”

         

Maganda rin at challenging ang papel niya bilang si Emilio Aguinaldo na talaga namang pinaghandaan niya nang husto para mai-portray nang maayos. Hindi malayong muli siyang manalo ng award for the role.

        

“Sana suwertihin!” nangiting sabi na lang ng Gobernador ng Laguna.