Photo: Allan Sancon

Patuloy talaga ang pangarap ni Angeline Quinto, ang singing champion na papasukin na ang mundo ng pag-arte. Pagkatapos siyang tanghalin bilang champion ng Star Power ay unti-unti na siyang nagkakapangalan. Kadalasan ay siya ang pinipili upang kumanta ng theme song ng mga bagong teleserye ng ABS-CBN.


Bukod dito ay natupad na rin ang kanyang pangarap na magkaroon ng sariling pelikula kunsaan  makakapareha niya ang kanyang paboritong actor na si Coco Martin.


Nagkaroon si Angeline Quinto ng presscon noong April 12 para sa kanyang bagong album na pinamagatang Angeline Quinto, Fall In Love Again. Noong araw na iyon, nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph na makapanayam si Angeline sa One Plate Restaurant, Tomas Morato, Quezon City.

Ano ang update sa pelikula na ginagawa mo kasama si Coco Martin?

“Tapos na po yung shooting namin, sa ngayon nag da-dubbing na lang kami, ang balak po yata ng Star Cinema ay sa May 30 ang playdate namin. Yung You Light Up My Life na title baka mabago pa po, kasi po yata ay may mas magandang title silang naiisip, kumbaga mas konektado sa karakter naming dalawa  ni Coco Martin  sa movie.”

Ano ang role mo dito sa pelikula?

“Tourist guide po ako rito ng mga Koreano, kaya medyo nag-aral din ako ng  Korean language. Simple lang yung buhay namin medyo mahirap po.”

Ano naman ang character ni Coco sa movie?

“Si Coco rito ay photographer, parang dito, lagi kaming magkaaway kasi iisang kumpanya lang ang aming pinagta-trabahunan.”

Tungkol saan ba ang movie ninyo?

“Makikita nila rito sa pelikula kung gaano talaga ako ka sexy. Sure po yun! Basta! Abangan n’yo na lang. Kasi may shoot kami na pareho kami ni Cocona nasa beach resort. Naka two piece ako roon na hindi naman ganun ka daring. Yung time na yun medyo naiilang pa ako. Niloloko nga ako ni Cocona ang sexy ko daw. Naks!”

Totoo bang may kissing scene kayo ni Coco sa movie na ito?

“Opo, meron kaming kissing scene. Noong una medyo naiilang ako, pero medyo nung nagtatagal na po ini enjoy ko na lang po. Niloloko ko nga si Coco, sabi ko sa kanya, ‘Ikaw ha, sinasadya mong i-cut ng director para marami  tayong  kissing scene ha.’ Nagbibiruan po kami noon pero enjoy naman po talaga.”

Kamusta naman ang lips ni Coco sa kissing scene n'yo?

“Amoy Listerine! Hahaha! Pinaghandaan niya, malambot ang lips ni Coco.”

Ikaw paano mo pinaghandaan yung kissing scene n'yo ni Coco?

“Tatlong beses akong nag toothbrush! Hahaha! Joke lang! Normal lang, kung ano yung normal naming dalawa.”

Kamusta ka trabaho si Coco sa movie n'yo na ito?

“Makulit at medyo sweet. Kasi nga, lagi niya akong pinadadalhan ng mga paborito kong pagkain sa set.”

Nakapalagayan mo na ba ng loob si Coco sa movie n’yo na ito?

“Oo naman po, at mas lalo ko po talagang hinangaan si Coco nung nakatrabaho ko na siya, kasi mas nakilala ko nga siya at marami kaming na i-share sa isa’t isa, tulad nung mga kwento ng buhay namin, lalo na nung nag uumpisa kami. Nalaman ko nga rin na isa pala si Coco sa deboto rin ng Nazareno ng Quiapo.”

Anong masasabi mo na ang daming naiinggit sa ‘yo dahil sa dami ng gustong makatrabaho si Coco, siya ang ipinareha sa ‘yo?

“Ang dami ko nga po naririnig na madami nga daw ang naiinggit sa  akin. Sabi ko naman po, hindi naman po dapat ganun, nadadaan naman sa dasal ang pangarap, eh (sabay tawa). Tulad ko po, na talaga namang ipinagdasal ko yun bukod sa pagkapanalo ko sa Star Power, na kung magkakaroon ako ng chance na umarte, sana si Coco Martin ang makapareha ko. At ito na nga natupad na naman yung pangarap ko.”