Maja Salvador says receiving acting nominations makes her family feel proud of her. “Sobrang proud sa akin ‘yong family ko. ‘Yong mama ko, ‘yong kapatid ko, sobrang natutuwa sila sa akin,” says the lead star of the drama film Thelma. Photo: Sany Chua

Patuloy ang pagkilala sa kahusayan ni Maja Salvador bilang pangunahing aktres sa pelikulang Thelma sa iba’t ibang award-giving bodies.

Ang pinakahuli ay ang nominasyon mula sa grupong Manunuri ng Pelikulang Pilipino para sa Best Actress category ng 35th Gawad Urian.

(CLICK HERE to read related article)

“Ang sarap ng pakiramdam na maraming nagtitiwala sa talent ko,” sabi ni Maja nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa set ng ginagawang pelikula ng Star Magic noong nakaraang linggo.

Matatandaan na nauna na ring naging nominated si Maja para sa Best Actress category sa Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society, Inc. (EnPress) at Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Kahit nominated pa lang, lubos na raw itong ikinatutuwa ni Maja dahil, “ang dami na ng narating ni Thelma.”

Patuloy pa niya, “Ang haba-haba na nang tinatakbo ng pelikula. Ang dami ko nang nominations.

“Hindi lang ako, pati ‘yong pelikula.

“Di ba, nanalo na rin ng bronze ang Thelma sa Mexico, ‘tapos nominated pa siya sa Madrid.”

Ang tinutukoy ni Maja ay ang pagkapanalo ng Thelma ng Bronze Palm Award sa 2012 Mexico International Film Festival. Nominado rin ang pelikulang ito para sa Best Feature Film at Best Cinematography categories sa 2012 Madrid International Film Festival sa Hunyo.

“Kahit na nominated lang ‘yong pelikula o nominated ako, masaya na ako kasi ibang karangalan na ‘yon, e, ‘yong mapansin nila ‘yong binigay mong hirap sa proyektong ginawa mo,” sabi ni Maja.

WISHES TO GET AN ACTING AWARD. Kahit alam niyang madalas magagaling ang mga makakalaban niya, hindi naman itinanggi ni Maja na minsan ay nangangarap din siya na mahirang bilang Best Actress.

Sabi pa niya, “Siyempre, ako po, nangangarap na magkaroon ng Best Actress award. Kung ibibigay ‘yon ng Diyos, sobrang nagpapasalamat po ako. Kung hindi man…”

Patungkol naman sa mga kapwa niya nominado sa Gawad Urian, sabi ni Maja, sino man ang tanghaling Best Actress ay karaapat-dapat para dito.

Ang iba pang nominado ay sina Lilia Cuntapay ng Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay, Raquel Villavicencio ng Bisperas, Eugene Domingo ng Ang Babae Sa Septic Tank, Opaline Santos ng The Natural Phenomenon of Madness, Maria Isabel Lopez ng Cuchera, Alessandra de Rossi ng Ka Oryang, Fides Cuyugan ng Niño, Cherie Pie Picache ng Isda, at Diana Zubiri ng Bahay Bata.