Photo: Ricky Gay

Ayaw nang pansinin pa ni Zsa Zsa Padilla ang mga intriga tungkol sa kundisyon ni Dolphy dahil gusto niyang magkaroon ng positive vibes ngayon, lalo na’t excited siya sa kanyang pagbabalik sa pelikula sa pamamagitan ng I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila.

Ang musical movie na ito ay sa ilalim ng Unitel Productions.

Ang huling pelikulang nagawa ni Zsa Zsa ay ang 2010 Star Cinema movie na Paano Na Kaya kung saan nagkaroon siya ng special participation. Napanood rin siya sa 2010 Cinemalaya entry na Sigwa kunsaan gumanap siya bilang
aktibista na naging rebelde.

Ang huli namang pelikulang pinagbidahan niya ay ang Zsa Zsa Zaturnnah Ze Moveeh noong 2006.

Kumusta naman ang movie comeback niya sa I Do Bidoo Bidoo, na isang musical romantic comedy tampok ang mga kanta ng APO Hiking Society?
 

“Siyempre masaya. Ilang beses kong nakatrabaho ang APO, talagang palaging masaya silang kasama. And alam naman ng lahat ang music ng APO, eh. Sa palagay namin magugustuhan ng mga tao ito.”
 

Aminado si Zsa Zsa na mahirap talagang gumawa ng isang movie musical.
 

“Kasi maraming numbers dito. Ako lang yung sa sarili kong kanta, two days namin ginawa yun. Two shooting days ha, ganun katagal talaga. That was 'Tuyo ng Damdamin.' Napakaganda kasi very appropriate siya sa character ko.”
 

Nagkuwento rin si Zsa Zsa tungkol sa kanyang role.
 

“Ang character ko rito ay si Elaine Fuentebella. Bale ako ang mom ni Tippy [dos Santos], asawa ko rito si Gary Valenciano. Kontra ako sa pagpapakasal niya [Tippy] rito kay Sam Concepcion. Kasi kumbaga si Tippy yung character niya suffered the same fate as I did, kumbaga nabuntis nang maaga, nag-asawa nang maaga. Kaya nga I am trapped in a loveless marriage. Parang hindi na maganda yung pagsasama namin dito ng character ni Gary kaya kumokontra ako sa pagpapakasal ni Tippy.”
 

WORKING WITH THE CAST. Nagkakatrabaho na sila ni Gary sa ASAP, pero kumusta naman ang pagsasama nila sa kanilang first movie project together?
 
“Sa pag-arte ngayon lang. Iba, parang weird. Parang nanganganay kami nung una. Tapos may eksena na nag-aaway kami. Parang ha, anong nangyayari? But I worked with him for a long time, so may chemistry naman. So, madali kaming maka-connect sa isa’t isa.”

Kumusta naman katrabaho ang iba pang cast?

“Okay naman. Kumbaga nakatrabaho ko naman halos lahat except for… hindi ko alam kung nakatrabaho ko na si Uge. Kasi si Sam nakakatrabaho ko, si Tippy din. Si Ogie kahit papaano sa mga concert. Si Uge lang yata talaga ang first time.

“Pero masaya kasama si Uge, puro kuwentuhan. Kina-cut na kami ni Direk, kaya nga naka-mic iyan e, kasi ang gulu-gulo namin. Kuwento nang kuwento, walang katapusang kuwentuhan.”