"Iyon pala ang pack-up na sinasabi nila. Tapos na pala ako, pero nandoon pa rin ako at naghihintay. Pasensya na sila sa akin kasi first time ko. Hindi ko alam ang mga sinasabi nila. Next time, magtatanong na ako," narrates Beatriz Saw about her blooper on the first shooting day of her debut film. Photo: Noel Orsal


Nakakaaliw kausap ang winner ng Pinoy Big Brother (PBB) Season 2 na si Beatriz Saw. Tuwing may nagsasabi raw kasi sa kanya na para silang kambal ni Kim Chui, na PBB Teen Edition winner naman, sinasabi ni Bea na mas maganda raw si Kim kesa sa kanya.



"Mas sikat po si Kim sa akin," sabi ni Bea, na tulad ni Kim ay may Chinese blood din. "Marami na pong nagsasabi sa akin na kamukha ko si Kim. May nagkamali pa nga na tawagin akong Kim dati. Natutuwa naman ako kasi Kapamilya ko si Kim. Okay lang na i-compare ako sa kanya kasi pareho nga kaming tsinita beauty."



Samantala, nagsimula nang mag-shoot si Bea para sa unang pelikula niya kasama sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo. Sa sobrang excitement nga raw niyang mag-shooting, hindi niya alam na tapos na pala ang eksena niya at puwede na siyang umuwi.



"Iyon pala ang pack-up na sinasabi nila. Tapos na pala ako, pero nandoon pa rin ako at naghihintay. Pasensya na sila sa akin kasi first time ko. Hindi ko alam ang mga sinasabi nila. Next time, magtatanong na ako," natatawang kuwento ni Bea sa PEP (Philippine Entertainment Portal).



Kagagaling lang daw noon ni Bea mula sa homecoming niya sa kanilang probinsiya sa Camarines Sur. Natuwa siya dahil nakita niyang muli ang kanyang mga kabarkada na ilang buwan din niyang hindi nakasama.



"Sobrang nag-bonding kami kasi na-miss ko silang lahat!" masayang kuwento ni Bea. "Sinulit ko ang stay ko sa amin kasi alam kong matagal na ulit akong hindi makakauwi para makasama sila. Iimbitahin ko sila kapag maayos na ang bahay na napanalunan ko."



Sinabi rin ni Bea na wala raw siyang crush sa showbiz sa ngayon. In fact, kahit sa mga guys ng PBB 2 ay hindi raw siya nagka-crush ni isa man sa kanila.



"Wala sa kanila ang hanap ko, e. Choosy ba ako? Tingin ko kasi mga magkakapatid kami sa loob ng Bahay ni Kuya. Kaya ‘di kami talo lahat," pagtatapos ni Bea.