Bwakaw, a Cinemalaya 2012 entry, was chosen by the Film Academy of the Philippines to be the country's official entry for the Best Foreign Language Film category of the prestigious Oscar Awards next year. The film was directed by Jun Lana and stars veteran actor Eddie Garcia.

Photo: File

Ang Cinemalaya 2012 entry na Bwakaw ang magiging official representative ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category ng prestihiyosong Oscars Awards sa susunod na taon, 2013.

Ang balitang ito ay kinumpirma ng director general ng Film Academy of the Philippines na si Leo Martinez, sa pamamagitan ng text message na ipinadala nito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, September 18.

Ito ang eksaktong text message ni Leo sa PEP: “FYI, Bwakaw is our entry to foreign Oscar. FAP selection committee.”

Ang Bwakaw, na isinulat at idinirek ni Jun Robles Lana, ay nanalo ng Audience Choice Award sa Directors’ Showcase category ng Cinemalaya ngayong taon.

Ang lead actor ng pelikula na si Eddie Garcia naman ang nagwaging Best Actor.

Naka-text din ng PEP si Perci Intalan, isa sa executive producers ng pelikula. Masaya rin nitong kinumpirma ang balita: “Yes! Congrats to us!”

APT ENTERTAINMENT. Nakapanayam din ng PEP sa telepono si Rams David, assistant vice president for productions ng APT Entertainment, co-producer ng Bwakaw.

Ayon kay Rams, si Leo ang tumawag kaninang umaga sa CEO and president ng APT Entertainment na si Jojo Oconer upang ihatid ang magandang balita.

Si Jojo ang mister ng actress-TV host na si Ciara Sotto.

Sabi pa ni Rams, “Siyempre, tuwang-tuwa kaming lahat, pati na ang mga co-producers ng pelikula, sa pagkakapili ng FAP sa Bwakaw upang maging kinatawan ng Pilipinas sa Oscars.

Dagdag niya, ang chairman ng APT na si Mr. Antonio “Tony” Tuviera ang higit na tuwang-tuwa sa magandang development na ito ng kanilang pelikula, na incidentally ay nasa second week run nito sa commercial theaters.

Dagdag ni Rams, “Bukas [September 18] ay ipa-process na namin ang mga necessary forms na dapat naming ayusin at i-submit sa FAP, pati na ang film transfer na may English subtitles na. Yun kasi ang requirement sa Oscars.

“October 1 ang deadline naming ng pag-submit ng requirements.”

May English subtitles na ang Bwakaw kahit na noong Cinemalaya run nito sa CCP, Trinoma, at Greenbelt 3 noong July. Pero ngayong regular run na commercially ay inalis muna ang English subtitles.