Four Sisters and a Wedding stars (L-R) Enchong Dee, Toni Gonzaga, Bea Alonzo, Angel Locsin, and Shaina Magdayao.

Photo: Noel Orsal


Sa selebrasyon ng ika-dalawampung anibersaryo ng Star Cinema, isang engrandeng regalo ang handog nito: ang light family drama movie na Four Sisters And A Wedding. Pinagbibidahan ito nina Angel Locsin, Bea Alonzo, Toni Gonzaga, Shaina Magdayao at Enchong Dee. Sa direksyon ng box-office hit director na si Cathy Garcia-Molina, ang Four Sisters And A Wedding ay mapapanood na sa mga sinehan nationwide sa June 26.

Ang pelikula ay tungkol sa magkakapatid na Salazar na sina Teddie (Toni) ang panganay na nagtatrabaho sa Spain bilang teacher; si Bobbie (Bea) na matagumpay na sa New York; si Alex (Angel) isang Manila-based independent film assistant director; si Gabbie (Shaina) isang school teacher na nakatira sa kanilang bahay kasama ang kanilang ina; at si CJ (Enchong) ang bunso at nag-iisang lalaking kapatid ng Salazar sisters. Ginulat niya ang lahat nang ibalitang magpapaksal na siya sa girlfriend niya nang tatlong buwan na si Princess.

Matapos ang ilang taong pagkakahiwalay, muling magsasama-sama ang Salazar sisters upang pigilin ang kasal ng kanilang baby brother. Ngunit kasabay ng muling pagkakabuo ng kanilang pamilya ay ang muli ring paglutang ng mga damdamin at isyung pilit nilang itinago mula sa isa’t isa sa matagal na panahon.

Kasama rin sa cast ng movie sina Carmi Martin, Buboy Garovillo, Bernard Palanca, Janus del Prado at may special participation naman sina Coney Reyes, Angeline Quinto at Sam Milby.

 

ON GAINING MORE FRIENDS. Bukod sa kasiyahang dulot ng unang pagsasama nina Angel, Bea, Toni, Shana at Enchong sa isang pelikula, ipinagmamalaki rin nila ang pagkakaibigang nabuo sa kanila.

Sa presscon nga ng Four Sisters And A Wedding noong June 9 sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound, isiniwalat nila ang kanilang damdamin para sa isa’t isa gayundin ang magagandang karanasang pinagsaluhan nila sa set kasama na rin si Direk Cathy.

Ayon kay Shaina, “Lagi ko pong iniisip kung gaano po ako nagpapasalamat na nakasama ako sa movie. Well, in general maganda po ang simula ng taon ko na nakasama po ako sa ganito kagandang proyekto. Tapos siguro pinaka-bonus ko na I gained friends in Angel and Toni.

"Well, kaming tatlo naman kasi (nina Bea at Enchong), sabi ko nga po alam n’yo naman na si Bea ay best friend ko. Tapos si Enchong parang little brother po namin. Pero nakakatuwa po na we gained friends na kung tutuusin nakatrabaho ko na si Angel dati sa Lobo. Pero hindi po kami talaga nagkaroon ng chance na mag-bond. So, alam ko po na after this movie panghahawakan ko po yung friendship namin. At hindi biro rin na makatrabaho si Direk Cathy Garcia-Molina at nagpapasalamat po ako doon.”

Birong sagot naman ni Angel nang matanong kung ano ang na-gain niya, “Weight po. Biro lang.”

Paliwanag niya rito, “Si Toni kasi napakasarap magluto. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa iyon kasi napaka-busy niyang tao. Puyat galing siya ng taping tapos biglang sa hapon may dala siyang food. Tapos nung mga nakaraan gumawa siya ng carrot cake ganyan tapos pinapakain niya lang sa amin. Ganun yung bonding namin sa set. Mahilig kaming kumain.

“Natutuwa ako rito sa mga katrabaho ko kasi gusto nilang ipa-feel sa amin na, ‘Ay, okay lang ba kayo diyan? Kumportable ba kayo?’ Yung maasikaso sila. Natutuwa talaga ako sa opportunity na makatrabaho itong such great actresses, and actor, and director na sobrang kilala sa kanilang field, sobrang galing talaga. I’m so blessed. Ang bait po kasi nilang artista. Wala pong tensyon sa set, masaya lang.”

Sabi naman ni Bea, “Ako I gained fun memories na ite-treasure ko. I gained tips, I gained stories from Toni, from Angel, from Shaina, from Enchong and from Direk Cathy na hindi ko rin malilimutan. Nakakatuwa to get to know these people na mahal ng maraming tao at naiintindihan ko kung bakit mahal sila ng maraming tao because they’re good people and very talented. And parang hindi nila masyadong pini-feel yun. Alam mo yun sa set masaya kami. Nagbe-bake lang si Toni. So, isa yun sa mga bonding moment namin. And maganda rin for Direk Cathy na magkakasundo kami. Nag-enjoy ako sa paggawa ng pelikulang ito.”

Pagbabahagi pa ni Toni, “Nasabi na nina Angel, Bea at Shaina yung gusto kong sabihin. Overall it has been one of the best experiences I had this year. Actually, noong una po honestly  natatakot po ako nung ialok ito nina Tita Malou [Santos, Star Cinema head]. Natakot po talaga akong sumama sa pelikulang ito siyempre mahuhusay na dramatic actress sina Bea, Angel, Shaina. Buti nga nagkaroon ng comedy, e. Paano na lang kung puro drama ito patay tayo. So, I gained tips from acting din naman from these three.

"I gained so much knowledge, I gained friends, I gained so much experiences. I did not gain weight, I gained eyebugs sa shooting na magdamagan. Pero overall, it was one of the best projects na nagawa ko because I learned so much about family, about relationships, about working with three great actresses and actor. Mas natuto ako kasi dati po pag gumagawa ng movie yung sa story isa lang ang ina-adjust-an mo, yung leading man mo. Dito natuto ako na pwede palang mag-adjust sa isa pang babae, isa pang babae, isa pang babae, isang lalaki, sa director mo. So, naging magandang experience ito at babaunin ko ito because it has humbled me and it made me more grateful after working with all of them in this film.”

 

ONLY MALE IN THE CAST. Bilang nag-iisang bidang lalaki sa cast proud nga si Enchong na makatrabaho ang apat na sikat na Kapamilya aktres. Matagal na rin daw niyang gustong makatrabaho ulit si Direk Cathy.

Sabi nga ni Enchong, “Kay Direk Cathy, ang tagal kong hinintay ito, sobra. If I’m not mistaken siguro fifth year ko na nag-e-expect na makatrabaho si Direk Cathy because the last time I worked with her hindi pa ako kilala,” sabay tawa ni Enchong. “So, talagang hinintay ko yung pagkakataon. And now gusto ko pa ulit siyang makatrabaho. Kasi hindi ko nasasagad, naaano [nasasapawan] kasi ako nitong apat [na aktres] na ito e. So, sana talaga makatrabaho ko ulit siya.

“Si Toni, she’s very devotional. Pupunta ako sa set, minsan pagod, minsan may nangyari, iku-connect niya yun sa Bible stories. So, habang nasa set ka mare-realize mo na imbes na pagod ka, mare-realize mo sa sarili mo na you’re blessed. So, yun ang bagay na sabi ko buti na lang nandun si Toni. And she never forgets to make us laugh, kaming lahat.

“Kay Bea, well, kay Bea matagal na yung napagsamahan namin nito, sobra. I want to believe na matagal na yung pinagsamahan natin Bea. Kasi even to the personal level naikukuwento niya sa akin without the fear of baka maikuwento ko sa iba. She trusts me very much.

“With Angel, sa kanilang lahat ha, si Angel lang yung kinukumusta ako everyday and every hour. Kung wala nga si Phil [Younghusband, boyfriend ni Angel], maiisip ko may gusto ka sa akin, e,” biro ni Enchong kay Angel.

Pagpapatuloy pa ng aktor, “Tapos yung kay Shaina, si Shaina yung kaagapay ko sa araw-araw. Minsan maghahawakan na lang kami, ‘Kaya pa natin, Shai.’”

Paliwanag naman nina Enchong at Shaina, sa cast daw kasi sila yung naglalagare sa shooting habang may taping pa sila ng mga teleseryeng ginagawa nila sa ABS-CBN.