ABS-CBN/Star Cinema stars Gerald Anderson and Kim Chiu will topbill one of the episodes of Regal Entertainment's Shake, Rattle & Roll X. Photo: Noel Orsal

Nagkaroon ng groundbreaking sa Enchanted Kingdom noong nakaraang September 21 ng tinatawag na "Shake, Rattle & Roll: The Attraction."

Sa kasunduan ng Regal Entertainment at ng management ng Enchanted Kingdom, magkakaroon ng horror rides at ibang horror attractions na may kinalaman sa most successful movie franchise sa Pilipinas. Napagkasunduan din ng Regal at EK na magbenta ng Shake, Rattle & Roll merchandise gaya t-shirts, ano pang mementos from the movie ang ibebenta.

Present sa groundbreaking ceremony sina Mother Lily Monteverde at ang anak nitong si Roselle Monteverde-Teo, at ang management ng theme park na nasa Sta. Rosa, Laguna.

Ang "Shake, Rattle & Roll: The Attraction" ay inilunsad bilang pagkilala sa 10th year anniversary ng Shake, Rattle & Roll series na napapanood lang tuwing Metro Manila Film Festival sa December. Nagiging daan din ang pelikula para mapagsama-sama ng Regal ang mga artista ng ABS-CBN at GMA 7, at si Mother Lily at ang Regal lang ang nakakagawa nito.

Samantala, tinatapos na nina Direk Mike Tuviera at Topel Lee ang Shake, Rattle & Roll X. Silang dalawa lang ang direktor ng trilogy with Direk Mike in-charge of "Nieves: The Encanto Slayer" and "Emergency" episodes while Direk Topel is directing the "Class Picture" episode.

Bida sa "Nieves" episode si Eugene Domingo. Kasama niya rito sina James Blanco, Marco Alcaraz, at Jennica Garcia bilang protégée ni Nieves.

Tampok naman sa "Emergency" episode sina JC de Vera, Wendell Ramos, Roxanne Guinoo, at Mylene Dizon. Ipinagmamalaki ni Manny Valera, supervising producer ng Regal na ang nasabing episode ay kinukunan sa lahat ng hospitals sa Luzon. Kung paano ito gagawing nakakatakot ang dapat abangan ng mga manonood.

Bida naman sa "Class Picture" episode sina Kim Chiu at Gerald Anderson, na ipinahiram ng Star Magic/ABS-CBN kay Mother Lily at sa Regal. Nasulat noon na hinihiram ni Mother Lily si John Lloyd Cruz para ipareha kay Marian Rivera kapalit ng pagpayag niyang gawin ni Angel Locsin ang movie nila ni Piolo Pascual sa Star Cinema.

Itinanggi ni Moher Lily na may ganung deal siya sa Star Cinema at ABS-CBN, pero matutuwa raw siya ‘pag ipinahiram nga si John Lloyd sa film company niya. May palagay na kaya madaling nahiram ng lady producer sina Kim at Gerald ng Kapamilya network ay dahil napapayag itong gawin na ni Angel ang Land Down Under nila ni Piolo.