KC Concepcion plays a promo girl while Richard Gutierrez portrays a cargo plane pilot in their upcoming movie When I Met You. This will be GMA Films' Valentine offering for 2009. Photo: Noel Orsal


Bumisita ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa shooting nina KC Concepcion at Richard Gutierrez ng When I Met You noong January 5. Naganap ito sa isang bahay sa may San Juan, Metro Manila. Bahay kunwari ‘yun ni KC na gaganap sa role ni Jenny na isang promo girl. Siguro dinalaw siya ni Benny (Richard), kaya naroon din ang actor.

Si KC ang unang nakausap ng PEP at unang itinanong sa kanya ay ang pagkaka-iba ng working condition nang gawin nila ni Richard ang For The First Time sa Star Cinema at ang shooting ng When I Met You ng Regal Entertainment at GMA Films.

"Kung nanibago ako working with GMA Films? Una sa lahat, sa Star Cinema, ang crew from the director to the assistant director, sa DOP o Director of Photography hanggang PA ay either babae o bading. Dito sa GMA Films, lahat lalaki, from the director hanggang sa wardrobe. Ramdam na ramdam ang pagiging babae ko," sagot ni KC.

Nang i-point out sa kanya na may mga bading din sa staff ni Direk Joel Lamangan, nilinaw ni KC na ang ibig niyang sabihin ay gender. Pero, may babae rin naman sa staff at siya'y si Elaine Lozano na supervising producer yata ng movie.

Nagpa-kuwento ang PEP kay KC ng background ng role at character nila ni Richard at heto ang kuwento nito: "Pareho kaming galing sa middle class na family. Promo girl ako rito na kahit ano ay ibenebenta at iba't ibang trabaho ang pinapasukan. Mother ko rito si Tita Cherry Pie [Picache] na lahat ng sinasabi ay pinapaniwalaan at sinusunod ko. Lagi silang nag-aaway ng dad ko [played by Tirso Cruz III]."

Sabi naman ni Richard sa kanyang role: "Cargo plane pilot ako rito, hindi commercial pilot. Cargo delivery boy ako, ginawa lang pilot para sosyal. Sumabay sumakay sa airplane ko si Jenny (KC), nag-crash ang plane at na-stranded kami. Hindi pa ako nagpapalipad ng airplane, wala pa akong maikuwento. Sa Subic International Airport kukunan ang eksena."

This Wednesday and Thursday naka-schedule ang shooting ng dalawa.

Pareho ng sagot sina Richard at KC sa tanong namin kung gaano ka-romantic ang When I Met You. Nangyayari raw sa totoong buhay ang mga eksenang mapapanood sa pelikula. "Maraming complicated situations, mami-misunderstood ng iba, pero dahil nangyayari talaga, marami ang makaka-relate," dagdag na pahayag ni KC.

Sa tanong kung kinakitaan ba nila nang pagbabago ang isa't isa after doing their first movie, parang pareho pa rin ang kanilang sagot.

Sabi ni KC: "Walang nabago kay Chard, ganun pa rin siya. After For The First Time naman, araw-araw pa rin kaming nagkikita o kaya'y nag-uusap sa phone. Mahilig tumawag si Chard at minsan, inaabot kami ng one hour mag-usap. Ako naman, mahilig mag-text. Nabawasan lang ang pagkikita namin nang pareho kaming maging busy."

"Walang masyadong nabago kay KC. Sandali lang naman ang gap ng work namin at kung may nabago man, in a positive way. I guess now, we're both more comfortable and relaxed with each other at makikita yun sa movie," wika naman ni Richard.

CORON, PALAWAN. Sa January 11 o 12, tutungo na sina KC at Richard sa Coron, Palawan para mag-shooting. Around 30 percent ng pelikula ay kukunan doon. Hindi pa man nakakaalis, nagrereklamo na ang actor at bitin daw ang more than one week nilang stay doon at wish niya itong ma-extend. Baka sa Coron na rin siya mag-celebrate ng birthday niya sa January 21 at si KC at ibang cast ng movie ang kanyang makakasama.

Naging bingi pala sina KC at Richard nang tanungin ng PEP kung ano ang Christmas gifts nila sa isa't isa sa nakalipas na Pasko. Deadma ang dalawa sa aming tanong at kung saan-saan dinala ang usapan hanggang nakalimutan naming mangulit at i-follow-up. Idinaan nila sa ngiti at malagkit na tinginan ang sagot.

Nalaman ng PEP na kahit sa manager ni KC na si Shirley Kuan, hindi nito ikinuwento kung ano ang regalo sa kanya ng love team. Nakikita na ng PEP na ganun din ang mangyayari sa darating na birthday ni Richard, ililihim din nila ang birthday gift ni KC.