Coco Martin (in photo) documented the campaign trail of Senator Noynoy Aquino for his docu-film titled Noy. It will be screened in cinemas starting June 2, 2010. According to Coco Martin's manager, Biboy Arboleda, Senator Noynoy did not fund this project. Photo: Jocelyn Dimaculangan

Inaabangan na ng mga fans ni Coco Martin ang pagpapalabas ng Noy, ang unang pelikula ng tinaguriang "prinsipe ng independienteng pelikula sa Pilipinas."

Ayon kay Biboy Arboleda, manager ni Coco Martin, ang pelikulang Noy ay isang konseptong nabuo sa isipan ni Coco matapos silang maimbitahan sa hapunang inihandog ni Kris Aquino at mga kapatid nito matapos mailibing si Former President Corazon Aquino.  Sa press briefing na naganap noong Lunes, May 24, ikinuwento ni Biboy na sa hapunang ito unang nagpahiwatig si Senator Noynoy Aquino ng kaniyang pagnanais na tumakbo para sa pagka-Pangulo ng bansa.

"Marami sa mga nakadalo sa hapunan ng gabing iyon ay hindi na bumalik," pagsisiwalat ni Biboy sa mga miyembro ng media, kabilang ang PEP (Philippine Entertainment Portal).

"Nung una, ayaw pa nga sumama ni Coco kasi nahihiya siya.  Sabi ko sa kaniya, 'sumama ka na, mag-obserba ka lang,'" dagdag pa nito.

At pagkaraan nga ng gabing iyon, nalikha na ang konsepto ng Noy sa isip ni Coco.  Inilapit niya ito kay Biboy, ipinaliwanag ang kaniyang binabalak na indie docu-film kung saan kaniyang huhulihin sa pamamagitan ng videocam ang matatawag na "snapshots" sa buhay ni Sen. Noynoy at mga kapatid nito mula sa pagdeklara ng kaniyang pagkandidato hanggang sa kampanya tungo sa mismong araw ng eleksyon.

Humingi sila ng permiso mula sa mga magkakapatid na Aquino ukol dito at pinayagan naman sila ng mga ito.  Dito na nagsimulang kumuha ng mga eksena si Coco para sa kaniyang indie docu-film.  Nagamit niya ng lubusan ang access na ipinagkaloob sa kanya ng mga Aquino sa kampanya ni Sen. Noynoy.

Sa loob ng halos anim na buwan, nakapangolekta si Coco ng higit pa sa kailangan nilang footage.

"Nung makita ko 'yung material ni Coco, na-excite ako, e," sambit ni Rondel Lindayag na siyang co-writer at co-producer ng Noy.  "Nakuhanan niya na naglalaro si Sen.Noynoy kasama si Baby James."

Ayon pa kay Lindayag, naging malaking tulong ang pagkakaroon ni Coco ng access sa "behind the scenes" sa kampanya ni Sen. Noynoy.  Pinatunayan ito ni Lindayag ng kaniyang banggitin na, "Lahat puwede kuhanan [ng kamera] except sa loob ng kotse at kung oras ng pahinga [ni Sen. Noynoy]."

Dagdag pa ni Lindayag, "Pangarap lang kasi talaga ni Coco nung una, digital docu lang talaga.  Nung una, walang script.  Sabi ko kay Coco, kailangang lagyan ng kuwento kasi magiging magulo kung pagdudugtung-dugtungin lang yung mga kuha.  Parang Supersize Me lang ang labas nun.  Matagal 'yung docu, halos six months [worth of working days ang inabot]."

Doon na nagsimulang maging isang "hybrid" ang indie docu-film ni Coco dahil ginawan na ito ng panibagong dagdag na script na  'di lang naglalaman ng docu footage kundi pati na rin ng mga eksenang drama ng mga propesyunal na artista.  Ang dokumentaryo ay naging isang pelikula.

Ang Noy ang pinakaunang proyekto ni Coco na kunsaan siya mismo ang nag-direct at nag-produce bukod pa sa kaniyang pagganap bilang bida ng naturang pelikula. Si Dondon Santos ang naging director sa mga eksena ng ibang artista pero ang lahat ng documentary footage na makikita sa pelikula ay kuha ni Coco. 

Ang Noy ay kuwento ng isang taong nagpanggap bilang isang reporter upang patuloy na masuportahan ang kanyang mga mahal sa buhay.  Ang karakter ni Coco ay gumagawa ng isang dokumentaryo ukol sa kampanya ni Sen. Noynoy Aquino na nagkataong kanyang kapangalan.

Kasama ni Coco sa pelikulang ito sina Cherry Pie Picache (na gumanap bilang kaniyang ina), Vice Ganda (bilang boss ni Noy), Baron Geisler (editor ni Noy) at Erich Gonzales (kanyang love interest).  Kabilang rin sina Joem Bascon at Cheska Briones na bumubuo ng cast ng Noy, na siyang ipapalabas simula June 2, 2010.

Walang premiere night ang pelikula sa Manila pero magkakaroon ito ng screening sa United States mula June 11-17, 2010. Ipapalabas ang Noy simultaneously sa Los Angeles, San Diego and San Francisco.


Noy (2010)

Produced by CineMedia Productions, together with VIP Access Group
Distributed by Star Cinema

Original story by Coco Martin, Francis Pasion and Rondel Lindayag
Directed by Dondon Santos
Co-directed by Coco Martin as documentary unit director

Starring: Coco Martin, Cherry Pie Picache, Vice Ganda, Joem Bascon, Baron Geisler, Cheska Billiones

With special participation of Ping Medina, Pen Medina, Tess Antonio, Ketchup Eusebio, Janus del Prado, Neil Ryan Sese, Kristoffer King, Jhong Hilario, among others