UPDATE: This period film has been graded A by the Cinema Evaluation Board.
Ang period film na Rosario ang entry ng Cinemabuhay at Studio 5 sa 36th Metro Manila Film Festival. Si Jennylyn Mercado ang magbibigay buhay sa true story ng isang liberated woman noong 1920s. Ang kanyang karakter ay lumaki sa New York at bumalik sa Pilipinas upang magbakasyon ngunit mababago ang takbo ng kanyang buhay dahil sa pag-ibig.
Ayon kay Jennylyn, masaya siya at very grateful sa pagkakataong gumanap bilang si Rosario ngunit naroon din ang kaba. "Siyempre po, kinakabahan, kasi po 'yong pressure talagang nasa akin po lahat. Dito po sa Rosario, ginawa ko po 'yong mga dapat kong gawin, binigay ko po lahat ng mga dapat kong ibigay."
Demanding ang title role, kung saan gumaganap si Jennylyn bilang isang babaeng ipinaglalaban ang pag-ibig at independence sa panahong konserbatibo.
Dahil dito, marami ang naniniwalang malaki ang posibilidad na manalo bilang Best Actress si Jennylyn sa awards night ng MMFF na gagawin sa Meralco Theater on December 26.
"Hindi naman po ako nag-e-expect ng kahit anong kapalit," ani Jennylyn. "Masarap lang kasi 'yong pakiramdam na nagawa mo 'yong tama. Para sa akin, yun na yung pinakamagandang award, 'yung na-appreciate nila yung ginawa ko at hindi po ako nag-e-expect ng kahit na ano.
"Basta po maayos yung nagawa kong pelikula at saka yung sabihin na effective yung pagkaka-portray ko kay Rosario."
Marami nga ba siyang love scene sa pelikula na directed by Albert Martinez at sinulat ni Elmer Gatchalian?
"Pinaka-daring po na ginawa ko ay yung nagpakita po ng konting skin, talagang kinabahan ako. Kasi first time kong ginawa yung mga eksenang daring, mga love scenes...pero maganda po ang pagkakagawa, napaka-classy.
"Malaki po ang tiwala ko kay Direk Albert [Martinez]. Alam ko na sa mga ganyang bagay, di niya naman ako pababayaan. Inaalalayan naman din ako ng mga ka-eksena ko. Napakaganda po ng pagkakagawa ng bawat eksena."
Nang tanungin siya kung ano ang pinaka-unforgettable scene na ginawa niya para sa Rosario, sabi ng GMA-7 actress, "Yung first time ko na mag-topless sa eksena. First time ko na ginawa ko sa buong buhay ko. Medyo nakakatakot. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaction ng mga tao pero isa lang ang masisiguro ko sa kanila, ginawa namin yun na classy at artistic. Hindi siya bastusin."
Kasama ni Jennylyn sa press conference ang unico hijo niyang si Alex Jazz, ang anak nila ni Patrick Garcia. Naitanong tuloy sa kanya kung maipagmamalaki ba niya ang pelikula sa anak niya paglaki nito.
"Mapagmamalaki ko sa anak ko. Napakaganda ng quality ng Rosario. Itong buong production, pinaghirapan naming lahat ito at ito yung masasabi kong pinaka-challenging role ko po," tugon ng aktres.
Ano ang pagkakapareho ni Jennylyn sa kanyang karakter na si Rosario? "Hindi ako ganoon ka-liberated," pag-amin ng StarStruck Season 1 Ultimate Survivor. "Si Rosario naman, kung ano yung gusto niya noon, yun tayo ngayon, e. Yung mga katangian ng kababaihan ngayon, ganoon siya noon."
Pero sa totoong buhay ay may pagkakaugnay din sila. "'Yong pagiging strong ni Rosario. Siguro naman alam ng lahat 'yong mga pinagdaanan ko sa buhay. At nandito pa din ako. Nakatayo pa din at strong pa din. Si Rosario kasi mapagmahal sa mga anak niya."
"Hindi ako ganoon ka-liberated. Siyempre, laging mayroong limitations sa lahat ng mga ginagawa ko. Natuto naman na ako sa mga pinagdaanan ko. Ngayon, alam ko na kung ano ang tama at mali."
Ang top honcho ng PLDT, si Mannny V. Pangilinan, ay personal na kumausap kay Dolphy upang tanggapin niya ang role bilang narrator ng pelikula na si Jesus. MVP wanted no less than the Comedy King for the important role.
Si Phillip Salvador at Eula Valdes ang gumanap bilang Don Enrique at Doña Adela Perrera, ang mga magulang ni Rosario, ang wealthy owners ng tabacalera (tobacco plantation) sa Isabela. Dito niya makikila si Yul Servo, isang trabahador na kanyang magiging unang asawa.
Ang kanyang boyfriend sa totoong buhay, si Dennis Trillo, ay kasama rin sa pelikula bilang kasintahan ni Isabel Oli. Pero eventually ay maghihiwalay sila at magiging lovers sina Dennis at Jennylyn.
Kasali din sa Rosario sina Sid Lucero, Ricky Davao, Liza Lorena, Ara Mina, Rita Avila, Tonton Gutierrez, Chanda Romero, Ronaldo Valdez, Lito Pimentel, Jaime Fabregas, Lester Lansang, Desiree del Valle, Lloyd Samartino, Ron Morales, Precious Lara Quigaman, Jamie Rivera, Joy Ortega, Miki Hahn, Gaby dela Merced, Liezl Martinez, Bert Martinez, Dino Guevarra, Bing Loyzaga and Chiggoy Alonzo.
Ang musical score ng Rosario ay ginawa ni Albert Chang sa EastWest Studios sa California. Ang studio na ito ay ang lugar kunsaan nag-record rin ang ilang popular singers tulad nina Paul McCartney, Eric Clapton at Whitney Houston.







hoy Bruthus... nasaan ka n???
Kami ng buong pamilya namin sabay sabay naming panonoorin first day showing pa lang ng Rosario.