"Regal's Desirable Men" ang bansag sa bagong contract stars ng Regal Entertainment na sina Daniel Matsunaga, JC Tiuseco, Ervic Vijandre, Ian Batherson, at Fabio Ide.
Ginanap ang contract signing ng limang bagong Regal Babies kagabi, May 12, sa mezzanine ng Imperial Palace Suites sa may Tomas Morato, Quezon City.
Present sa contract signing ang matriarch ng Regal Entertainment na si Mother Lily Monteverde at ang manager ng limang hunky model-actors na si Jonas Gaffud.
Bago ang contract signing at presscon proper ay rumampa muna ang limang bagong Regal Babies.
Isa-isa silang lumabas na naka-tight-fitting white shirt at jeans.
Pagkatapos ay bumalik sila na walang suot na pang-itaas kaya naman tuwang-tuwa ang ilan sa press nang makita ang naglalakihang katawan ng lima. Maging si Mother Lily ay panay ang palakpak at sigaw nang lumabas ang bago niyang contract stars na topless.
Sa huling pagrampa ng lima ay naka-coat na sila.
Ibinuko ng emcee noong gabing 'yon na si Jun Nardo na ang nagdirek ng mini-fasion show ay walang iba kundi si Mother Lily mismo.
NEW REGAL BABIES. Sina Daniel, JC, Ervic, Ian, at Fabio ay pare-parehong models ng Mercator Talent Agency at lahat sila ay lumalabas din sa GMA-7.
Si Daniel, 22, ay Brazilian-Japanese model. Two years na siyang nasa Pilipinas at isang taon na siyang gumagawa ng soaps sa Kapuso network. Ilan sa mga naging shows niya ay The Last Prince, Langit sa Piling Mo, Machete, at Grazilda.
Si JC, 23, ay dating varsity basketball player ng San Sebastian College at nagsimula rin bilang model. Sumali siya sa unang season ng Survivor Philippines kunsaan siya ang itinanghal na Sole Survivor. Pagkatapos nito ay nabigyan na siya ng acting projects sa GMA-7, kabilang ang Kung Aagawin Mo ang Lahat sa Akin, Langit sa Piling Mo, Sana Ngayong Pasko, at ang upcoming afternoon soap na Sisid.
Si Ervic, 24, ay dati ring basketball player at model. Sumali siya sa Survivor Philippines Celebrity Showdown kunsaan umabot siya hanggang sa finals. Ang unang acting project niya ay ang currently airing na Captain Barbell.
Si Ian, 22, ay half-Filipino, half-British na lumaki sa U.S. Taga-Naga ang kanyang ina. Nagsimula bilang commercial model, sumali siya sa artista search na StarStruck V at sa reality show na Survivor Philippines Celebrity Showdown. Kasama rin siya sa afternoon soap na Sisid.
Si Fabio, 24, ay half-Brazilian, half-Spanish na ipinanganak sa Brazil. Nag-aral siya noon para maging lawyer sana, pero hindi niya ito nagustuhan. Pitong taon na siyang nagmo-model at noong isang taon ay pinasok niya ang mundo ng showbiz. May tatlong shows siya ngayon sa GMA-7—Comedy Bar, Tweetbiz, at ang upcoming comedy series na Andres de Saya.
Maliban kay Daniel, na boyfriend ng aktres na si Heart Evangelista, lahat daw sila ay single ngayon.




0

